Mga posibleng epekto ng El Niño ang naging laman ng talakayan sa pulong ng mga miyembro ng MDRRM Council noong Mayo 4 sa Mayor’s Conference Room. Ilan na rito ay ang posibilidad na magkaroon ng kakulangan sa tubig para sa household, establishments, at agricultural activities at ang paglipana ng mga sakit ng tao at alagang hayop tuwing tag-init lalo pa kung matuloy ang pinangangambahang mahabang panahon ng El Niño kung saan magpapatuloy ang init ng panahon at kawalan ng ulan.
BayWad
Sa pulong ay sinagot din ng Bayambang Water District (BayWad) General Manager Francis Fernandez ang mga reklamo ukol sa umano’y madalas na pagkawala ng tubig sa mga barangay na nasa matataas na lugar, pati na rin ang mga report ng marurumi at mabahong tubig mula sa gripo ng ilang kabahayan.
Ayon sa kanila ay, sa kasalukuyan, ay hindi talaga kinakaya ang 24/7 na pagdaloy ng tubig sa mga matataas na barangay gaya ng Sancagulis, Bical Sur, at Norte dahil ang tubong nakakonekta sa kanila ay maliliit, ngunit hindi na dapat pang mangamba ang mga residente doon dahil nakatakda nang umpisahan ang konstruksyon para sa pagkabit ng mga mamalaking tubo na kukonekta sa water reservoir mula sa Brgy. Bani patungo sa mga naturang barangay. Magkakaroon din sila ng schedule ng mga araw ng pag-iikot ng kanilang mga water tanker upang magdeliver ng tubig sa mga apektadong kabahayan.
Ang marumi at mabahong tubig naman ay dulot ng matagal na pagkawala ng pressure dahil sa ilang oras na hindi pagdaloy ng tubig, ngunit ang mga nakakaranas lamang nito ay ang mga residenteng unang magbubukas ng kanilang gripo. Kaya’t kanilang inaabisuhan ang mga residente na maghintay muna ng saglit hanggang sa luminaw ang inilalabas na tubig bago ito gamitin. Ang ganitong sitwasyon ay mawawala na rin kung patuloy na ang magiging pagdaloy ng tubig doon.
Sila rin ay humihingi ng tulong mula sa LGU sa pakikipagdayalogo sa ilang mga kapitan ng mga barangay na nais pasukin ng BayWad upang pagtayuan ng kanilang pumping stations bilang paghahanda sa El Niño.
Health Department
Ayon naman sa ulat ni Rural Health Physician, Dr. Roland Agbuya, dobleng ingat ang kinakailangan sa mga naglipanang sakit gaya ng dengue, malaria, at iba pang respiratory infectious diseases. Ang paglilinis ng kapaligiran, madalas na pag-inom ng malinis na tubig, at pagkonsulta sa duktor kung may mga sintomas ng mga naturang sakit ay mahalaga upang mapanatiling ligtas ang bawat isa. Patuloy rin ang RHU sa kanilang bakuna kontra tigdas, rubella, at polio, at pag-iikot sa mga barangay upang maghatid ng information-education campaign para masigurong ligtas at may alam ang bawat Bayambangueño.
Agriculture
Ang Municipal Agriculture Office naman ay patuloy din sa paghahanap ng mga paraan upang matulungan ang mga magsasaka na pumili ng mga napapanahong pananim na hindi nangangailangan ng madalas na patubig. Magkakaroon din ng water impounding at harvesting nang sa gayon ay agad na masolusyunan ang kakulangan ng tubig para sa irigasyon sa mga barangay na malayo sa ilog. Patuloy din ang dredging operations sa ilang inland fisheries upang buhayin ang fishery industry sa bayan, at makatutulong din ito upang mas lumawak pa ang maaaring mapag-iipunan ng tubig.
CENPELCO
Sa ulat naman ng CENPELCO ay napakaliit lamang ng posibilidad na magkaroon ng power shortage, kung kaya’t walang dapat ikabahala ang publiko ukol dito.
Sa kabuuan, makikitang handa ang lokal na pamahalaan ng Bayambang at mga partner agencies nito kung sakaling matuloy ang posibleng mahabang El Niño. Kinakailangan lamang ang suporta at pakikiisa ng bawat isa upang mapagtagumpayan ang anumang uri ng sakuna na darating sa ating bayan.
Ang pagpupulong ay ipinatawag ni Local DRRM Officer Genevieve U. Benebe sa ngalan ng MDRRMC Chairman na si Mayor Niña Jose-Quiambao base sa inilabas na Memorandum No. 026 s. 2023 ng National Disaster Risk Reduction Management Council at Memorandum No. 29 s. 2023 ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council. Bukod kay Benebe at mga nauna nang nabanggit na opisyal, ang emergency meeting ay dinaluhan nina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad; MPDO-OIC Ma-lene Torio; MHO, Dr. Paz Vallo; OIC-MAO Zyra Orpiano; OIC-MEO Engr. Felipe Rivera Jr.; CENPELCO officer Alvino dela Cruz; BayWad Board of Directors; PNP; BFP; at representante ng iba pang MDRRM Council members.