LGU, Nagsagawa ng Consultative Meeting sa DepEd RO1 at Pangasinan SDO1

Dumalo sina DepEd Regional Office I Director Tolentino Aquino at ang Pangasinan Schools Division Superintendent kasama ang iba pang mga opisyal ng DepEd RO1 at Pangasinan SDO1 sa isang Consultative Meeting na isinagawa ng LGU-Bayambang sa Mayor’s Conference Room noong April 19, upang pag-usapan ang kasalukuyang estado ng lumang Bayambang Central School at ang takbo ng kaso ukol dito.

 

Sa ngalan ng buong LGU at ng bayan ng Bayambang, hiniling nina Mayor Niña Jose-Quimbao at SATOM, Dr. Cezar Quiambao, na makiisa ang DepEd sa laban sa pagbawi ng naturang paaralan dahil napakaraming guro, mag-aaral at kanilang pamilya ang maaapektuhan kung sakaling mawalan ng paglalagakan ang mga ito dahil sa ngayon ay lumalabas na nagrirenta pa lamang sila sa kasalukuyang lokasyon ng Central School. Sa loob ng halos sampung taon, anila, ay hindi napakinabangan ng lokal na pamahalaan ang sarili nitong lupa at kung susumahin ay DepEd din ang makikinabang dito.

 

Pahayag naman ng DepEd, handa raw silang sumama sa LGU para sa pagsulong ng kaso at kanila ring tiniyak na makakaasa ang LGU sa kanilang presensya sa nalalapit na pre-trial continuation sa May 9, 2023. Bumuo na rin anila ang DepEd ng isang Task Force na tututok sa development ng kaso ng Central School.