NYC, Hinubog ang mga Kabataang Bayambangueño sa Pagbuo ng Youth Organization

Sa inisyatibo ni Local Youth Development Officer Johnson Abalos, ginanap ang isang Orientation and Workshop ukol sa Youth Organization Registration Program (YORP) ng National Youth Commission (NYC) noong Abril 18, sa SB Session Hall na dinuluhan ng iba’t ibang local youth organizations.

Naimbitahan bilang resource speaker sina Dr. Sheridan Athena Y. Gajete na Presidential Staff Officer IV at Cluster Head, at si Presidential Staff I at SK Unit Head Dave Homer Ariola. Kanilang tinalakay ang YORP bilang isang programa ng NYC para magbigay ng gabay sa proseso ng pagpaparehistro ng mga youth at youth-serving organizations upang matiyak ang kanilang access at partisipasyon sa mga programa ng NYC sa buong bansa.

Isa sa mga adhikain ng NYC ang magkaroon ang Local Youth Development Office (LYDO) ng updated na database ng mga kabataan sa lahat ng bayan tulad ng Bayambang. Kasama rin sa ipinaliwanag ang Republic Act No. 8044 o “Youth in Nation-Building Act,” na siyang bumabalangkas sa polisya sa paggawa ng isang medium-term plan na tinatawag na Philippine Youth Development Plan (PYDP).

Mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa mga kabataan, “Thank you for having us and being proactive and making the right decisions and plans for our town. And know that the LGU is always here to support you just as long as it is the right decision and the right thing. Let’s be open, let’s be honest and always communicate to find better solutions.”

Nagbigay din ng maikling mensahe sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan Fernandez.
Sa workshop na ito ay nadagdagan ang kaalaman ng bawat kabataang sumali sa pagsulong ng mga programang para sa ikabubuti ng mga lokal na kabataan.