Noong April 18, dinaluhan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang Municipal Development Council (MDC) Meeting na ginanap sa Balon Bayambang Events Center, kung saan tinalakay ang estado ng mga proyektong kasalukuyang isinasagawa sa mga barangay gaya ng multi-purpose covered court, health center, barangay outpost, solar street lights at iba pa na pawang nasa ilalim ng 20% Development Fund ng LGU base sa Annual Investment Plan 2022 na niratipikahan ng naturang konseho.
Ilan sa mga naging tagapagsalita ay sina MPDO Ma-lene Torio, Internal Audit Officer Erlinda Alvarez, at OIC Municipal Engineer Felipe Rivera, kung saan kanila ring ipinaliwanag ang panukalang paglipat ng lokasyon ng planong konstruksyon at pagkakabit ng solar street light sa Zone III sa Buayaen na sa huli ay napagkaisahan ng lahat. Ang natitirang pondo naman para sa pagpapatayo ng outpost ay mapupunta sa Brgy. Mangayao sa lugar kung saan malapit ang boundary ng Bayambang, Malasiqui, at Alcala.
Tiniyak naman ni Mayor Niña at ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na anumang isyu o problema magkaroon ang bawat barangay ay handa silang tumugon dito, siguraduhin lamang na direktang maiparating sa kanila kaagad nang ito ay agarang masolusyunan.
Kabilang rin sa mga dumalo sa pulong na ito ay sina Congresswoman Representative Jessica Gueco, Councilor Philip Dumalanta, Councilor Martin Terrado II, Executive Secretary Carmela Santillan, BPC Pres., Dr. Rafael Saygo, Budget Officer representative Princesita Sabangan, Accountant for Barangay Affairs Elsie Dulay at iba pang mga miyembro ng MDC.
Nagkaroon din ng pagkakataon si ICT Officer Ricky Bulalakaw na ipaliwanag sa mga Punong Barangay ang tungkol sa clearance na ibinibigay sa mga residenteng nais kumuha ng permit sa pagpapatayo o sa renewal ng kanilang mga negosyo. Inaaasahang magkakaroon ng unipormeng format ng Sangguniang Barangay Resolution ang bawat barangay na nakaayon sa kanilang Tax Code at MOA sa pagitan ng LGU at mga barangay.
Sa naturang pulong din ay inanunsyo ng alkalde na siya na mismo ang sasagot ng gastos para sa konstruksyon ng kanyang naipangakong Multi-purpose Covered Court sa Buenlag 2nd at Caturay gamit ang personal na pondo.