Mrs. Caparoso ng Zone V, Kinoronahan bilang Mrs. Bayambang 2023

Napuno ng hiyawan at palakpakan ang buong Balon Bayambang Events Center noong ika-21 ng Marso nang tumindig ang labindalawang nanay para sa kanilang adbokasiya at matapang na nakipagsabayan sa kanilang kapwa kandidata para sa pagkamit ng titulong Mrs. Bayambang 2023.

 

Ang patimpalak na ito ay inorganisa nina KALIPI Bayambang and KALIPI Pangasinan President, Mrs. Jocelyn Espejo, MSWD Officer Kimberly Basco, at MSWDO Social Worker Josie Niverba bilang parte ng International Women’s Month Celebration ngayong taon.

Si Mrs. Joycey Lacey S. Caparoso ng Brgy. Zone 5 ang itinanghal na Mrs. Bayambang 2023, matapos niyang mapukaw ang mga mata ng hurado. Siya ay nagwagi ng P15,000 cash prize at plaque, at siya rin ang nakasungkit sa titulong Best in Talent at Best in Long Gown.

Ang iba pang mapalad na mga kandidatang nagwagi ay sina Mrs. Elinita Caranto ng Brgy. Banaban bilang 2nd Runner-up (plaque at 7,000 cash prize) at Mrs. Gloria A. Junio ng Brgy. Buenlag 1st bilang 1st Runner-up (plaque at 10,000 cash prize), na itinanghal din bilang Mrs. AILC.

 

Kabilang sa lupon ng inampalan ay sina SB Office Staff, Ms. Rosbelle N. Magno, ang representante ni Congresswoman Rachel Arenas na si Mrs. Jessica V. Gueco, at PSWDO Social Welfare Officer 3 at GAD & Women Focal Person, Mrs. Evelyn C. Dismaya.

 

Ang mga minor award ay iniuwi naman nina Mrs. Violeta G. Laxamana ng Bacnono (Mrs. Photogenic), Mrs. Rosalyn D. Villanueva ng Buenlag 2nd (Mrs. Royal Mall) at Mrs. Shara Klaire C. Patayan ng Inirangan (Mrs. Rotary Club Bayambang). Hindi rin umuwing luhaan ang mga non-winners, dahil nakatanggap rin sila ng certificate at consolation prize na P4,000 at grocery packs.

 

Ang mga cash prizes at consolation prizes na iniuwi ng mga kandidata ay mula sa LGU-Bayambang at dinagdagan pa ni Mayor Niña Jose-Quiambao mula sa sariling bulsa. Ilan din sa mga naging sponsor ay ang Royal Mall (cash prize), Royal Supermarket (grocery packs), Rotary Club of Bayambang (cash prize), Upnext Printing (picture frames), at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan (production number T-shirts).

 

Ang naturang patimpalak ay dinaluhan nina Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice-Mayor Sabangan, at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na kapwa nagbigay ng mensahe para sa mga kandidata at sa lahat ng kababaihang Bayambangueña.

 

May ilang bisita rin ang dumating kabilang na si Miss Hundred Islands Tourism 2023, Ms. Francine Atasha Mesa.