Sa ginanap na 1st quarter meeting ng Municipal Advisory Council noong March 7 sa Balon Bayambang Events Center, ipinahayag ni DSWD-RO1 Project Development Officer Gemalyn M. Labarejos ang magandang balita para sa mga miyembro ng 4Ps na malapit nang magsipagtapos. Sila aniya ay mabibigyan ng pagkakataon na mapili bilang benepisyaryo para sa isang Association Enterprise Project.
Ayon sa datos na nakalap ng DSWD-RO1, napili ang tatlong priority barangay na Sanlibo, Hermoza, at Tanolong, at nakatakdang maghanap ng 250 na benepisyaryo mula sa naturang mga barangay para sa programang ito.
Ang pagpupulong ay dinaluhan nina Special Assistant to the Mayor (SATOM), Dr. Cezar Quiambao, Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brilliante Jr., iba pang LGU department heads, mga national agencies, at NGOs.
Dumalo rin si DSWD-RO1 Regional Program Coordinator Rosalyn Descallar.
Sa pagpupulong, iprinisenta ni BPRAT Chairperson, Dr. Rafael L. Saygo, ang mga datos ukol sa “Poverty Status and Trends in Bayambang,” at tinalakay ang kalagayan ng mga mahihirap na mamamayan sa bayan ng Bayambang.
Iminungkahi ni Dr. Quiambao na, sa pagbuo ng Memorandum of Agreement para sa Technical Working Group ng Sustainable Livelihood Program (SLP), nakalagay ang bawat tungkulin ng kada miyembro para maging maganda ang teamwork sa pagpuksa sa kahirapan.
Nagbigay naman si Ms. Descallar ng komento sa mga hakbang na ginagawa kaugnay sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at mga proyektong nakapaloob sa SLP.