LGU, Ininspeksyon ang Magsaysay Property

Noong ika-27 ng Pebrero, sa bisa ng desisyon ng korte at court order, nag-inspeksyon ang Municipal Legal Office, kasama ang Court Sheriff, Engineering, BPSO, at PNP, sa municipal property sa Brgy. Magsaysay upang personal na ma-access ang lote na nakatakdang pagtayuan ng isang Multi-Purpose Building na paglalagyan o paglilipatan ng Youth Development Center, Early Child Care Development Center, PWD and Senior Citizen Building, at iba pang tanggapan.

 

Sa isang briefing bago ang inspeksyon, ipinaliwanag ni Municipal Legal Officer, Atty. Bayani B. Brillante Jr., na ang naturang lote sa Magsaysay ay nakatitulo sa Munisipyo ng Bayambang mula pa noong taong 1921, at ang ordinansang ginagamit para sa pagbawi ng lupang ito ay nagmula pa noong panahon ni dating Mayor Ricardo Camacho noong taong 2013.

 

Nasabing hindi ito naenforce noon, kaya naman noong naluklok si former Mayor Cezar Quiambao ay muling nabigyang-pansin ang isyu sa lupain. Noong 2018, binigyan ng pagkakataon ang mga residente doon na bilhin ang property in zonal value, kung saan walang ipinatong na kita ang Munisipyo, ngunit makalipas ang ilang taon, may ilang residente ang hindi tumupad sa usapan, kaya’t kinailangang gumawang muli ng aksyon ang LGU-Bayambang.