SB Committee Hearing, Isinagawa para sa Draft Bonery Ordinance

Noong ika-23 ng Pebrero, nagsagawa ang Sangguniang Bayan ng isang Committee Hearing in aid of legislation sa SB Session Hall para sa draft Municipal Ordinance No. 8 ukol sa Municipal Bonery.

 

Sa pangunguna ng iba’t-ibang SB Committee Chairmen na sina Coun. Levinson Nessus Uy, Coun. Philip Dumalanta, Coun. Jose Ramos, at Coun. Martin Terrado II at sa pag-oorganisa ni SB Secretary Joel Camacho, tinalakay ang iba’t-ibang kumplikado at teknikal na isyu patungkol sa “An Ordinance Providing the Guidelines for the Operation and Maintenance of Apartment-Type Bonery Owned by the Municipality of Bayambang, Pangasinan, Imposing Fees Therefor and for Other Purposes.”

 

Dumalo sa hearing bilang resource persons sina Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem, Jr., MENRO/OIC-SEE Head Joseph Anthony F. Quinto, Municipal Legal Officer, Atty. Bayani B. Brillante Jr., Municipal Treasurer Luisita B. Danan, Municipal Engineer Eddie A. Melicorio, at Sanitary Inspector Jonathan Florentino ng RHU I.

 

Ilan sa mga napag-usapan ang maximum na ilalagay na buto, at kung magkano ang bayarin para rito. Natalakay din kung paano bibigyan ng notice ang mga kamag-anak para sa pagtransfer ng skeletal remains ng kanilang yumao, lalo na ang mga nakaburol sa mismong natatapakan o nadadaanan na ng mga tao. Suhestiyon ni Coun. Jose Ramos, isa-isahin kung sino ang mga nakalibing doon upang madaling mahagilap kung sino ang bibigyan ng notice ukol sa pagtransfer. Ang mga indigent naman aniya ay kailangang macertify ng DSWD.

 

Nasabi naman ni Municipal Civil Registrar Ismael D. Malicdem Jr. na kung sakaling ma-identify na kung sino ang mga iyon ay agarang bibigyan ng notice ang barangay captain upang mainform ang mga kaanak ng yumao. Dagdag pa nila na ang mga patay ay kailangang irehistro sa kanilang opisina kung saan ang pagpaparehistro ay libre. Sa ngayon, kung ang patay naman ay nakatakda nang ilibing, kinakailangang magpunta sa Treasury Office para malaman kung mayroong pang nalalabing espasyo sa Public Cemetery.