Matapos ang samu’t saring reklamo na ibinabato ng mga pasahero at tricycle drivers sa Sangguniang Bayan ukol sa Tricycle Fare Matrix sa bawat barangay at sa downtown, sa huling pagkakataon ay nagpatawag ng isang pagdinig ang SB upang pakinggan ang petisyon at opinyon ng bawat partido noong ika-15 ng Pebrero sa Balon Bayambang Events Center.
Dito ay sinigurong ang ilalabas na bagong ordinansang naglalaman ng ilan sa mga pagbabago sa M.O. No. 8 s. 2022, o “An Ordinance Prescribing the New Tricycle Fare Rates of 2022 of the Municipality Of Bayambang, Pangasinan,” ay nakabase sa mapagkakaisahang desisyon ng lahat.
Ilan pa sa mga isyung nabanggit ay ang pagkakaroon ng standard sa taas ng mga traysikel para sa mga pasaherong hirap nang umupo sa mabababang upuan at wastong pananamit ng mga driver gaya ng pagsusuot ng sapatos, pagsusuot ng reflectorized vest pagpatak ng alas sais ng gabi, at kung maaari ay mayroong uniporme ang bawat isa.
Ipinangako naman ng mga drivers na magkakaroon sila ng konsultasyon sa bawat miyembro ng kanilang TODA ukol sa mga naturang paksa para na rin magkaroon ng mas maayos at organisadong lokal na transportasyon.
Ang naturang pagdinig na inorganisa ni SB Secretary Joel Camacho ay pinangunahan nina SB Committee Chairman on Transportation and Communication Amory Junio sa gabay ng Land Transportation Office.