Noong January 18, dumalo sa isang pulong sina Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Mayor, Dr. Cezar Quiambao, upang dinggin ang mga hinaing ng mga tricycle drivers ukol sa inilabas na official fare matrix sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 8 s.2022. Ang pulong ay inorganisa ni SB Secretary Joel Camacho at ginanap sa Balon Bayambang Events Center.
Ang hiling ng mga dumalong presidente at representante ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na naroon ay ang pagkakaroon ng 20 pesos minimum fare at maging epektibo lamang ang discount kung umabot na sa dalawa o higit pa ang pasahero. Bukod pa rito ay ang kanilang isyu tungkol sa mga kolorum na magpasahanggang-ngayon diumano ay kaagaw nila sa mga pasahero.Dahil dito, may ilan na sa mga drivers ang nagsumite ng kanilang petisyon.
Ayon sa alkalde, “Sa ngayon ay sundin muna ang batas at i-grant ang fare discount sa mga estudyante, senior citizens, at person with disabilities (PWDs), upang maiwasan ang karampatang penalty alinsunod sa naturang ordinansa.”
Saad naman ni SATOM, muling bibigyan ng oportunidad ang mga drivers na magsagawa ng Petition for Amendments kung saan maaari nilang ilahad dito ang kanilang mga suhestiyon ukol sa fare matrix. Magkakaroong muli aniya ng public hearing kung saan hinikayat niya na dapat ay kumpleto ang bawat president at mga representante ng TODA.
Naroon din sa pulong sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Coun. Gerry Flores, Coun. Philip Dumalanta, Coun. Jose Ramos, Coun. Amory Junio, Coun. Martin Terrado, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad kasama sina MPDO Coordinator Ma-lene Torio, OIC PNP-Chief, PLtCol. Rommel Bagsic, PNP OIC-Deputy Mark Tubadeza, at BPSO Chief, Ret.Col. Leonardo Solomon.
Sa huli ay napagkasunduan ng lahat na muling ireview ang ordinansa at titiyaking mapakikinggan ang panig ng mga drayber at commuter. Mabibigyan din ng libreng stickers ang lahat ng rehistradong traysikel upang agad na makilala ang mga kolorum.
Umuwi namang masaya ang mga drayber matapos ianunsyo ni Mayor Niña na papapalitan nito ang mga nasirang TV screens sa kanilang terminal.