Isang summit ukol sa Suicide Awareness and Prevention ang inorganisa ng Local Youth Development Office (LYDO) noong ika-10 ng Oktubre sa Balon Bayambang Events Center.
Sa temang “Living a Life of Meaning in an Ever-changing and Fast-paced World,” nais ipabatid sa lahat ng delegates at sa mga Bayambangueño na laging kaagapay ang ating mga lingkod-bayan sa anumang problema na kanilang kinakaharap.
Kabilang sa mga delegado ay mga estudyante ng Pangasinan State University-Bayambang Campus, Bayambang National High School, at St. Vincent’s Catholic School of Bayambang Inc.
Umattend din dito ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan at representante ng bawat departamento mula sa munisipyo.
Sa paunang talumpati ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sinigurado niya na may mga programang nakalaan para sa lahat upang maiwasan ang pagkitil ng sariling buhay ng sinuman.
Ayon kay Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, ang LGU Bayambang ay nakapagtala ng 8 suicide cases ngayong taon, at ito rin ang pinakamataas mula 2016.
“Knowing our worth and living our life with meaning,” ang ipinahatid namang payo ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan. Kanyang binigyang diin na lahat tayo ay di nag-iisa at laging may kaagapay kung tayo ay hihingi lamang ng saklolo.
Sa kanyang madamdaming talumpati, nagpayo si Mayor Niña-Jose Quiambao na, “Look beyond the situation, you are worthy more than you know.” “Maging matapang at laging lumapit at kumapit sa Diyos,” aniya.
Masusing tinalakay naman ni Ms. Dessa Jae C. Magalong, Guidance Counselor ng Turac National High School, San Carlos City, ang “factors that can contribute to the risk of teen suicide, suicide warning signs, at coping mechanism among teens.”
Sa afternoon session naman, pinangunahan ni Dr. Amela T. Cayabyab ang mga usapin ukol sa interventions, myth and facts about suicide, at effect of technology on social interactions. Nagkaroon din ng mainit na open forum matapos ang mga nasabing diskusyon.
Matapos ang mga talumpati, ipinanood sa mga student leaders ang video ng Bayambang Poverty Reduction Action Team ukol sa suicide awareness at prevention.
Samantala, nagbigay ng paala-ala si Ptr. Mark Jolex Ramos ng Victory Church-Bayambang, na “kung alam mo ang iyong halaga, alam mo rin ang iyong role sa iyong kapaligiran,” kaya kanyang binigyang payo ang lahat na mas magtiwala sa sarili.