Humakot ang Bayambang ng mga parangal sa katatapos na awarding ceremony ng National Nutrition Council-Region I ngayong araw, December 7, sa Sison Auditorium, Lingayen, Pangasinan.
Ang mga ito ay ang Green Banner Seal of Compliance, Outstanding Local Nutrition Action Officer first runner-up in Region I, Most Outstanding Barangay Nutrition Scholar finalist in Region I, at isang special award na Consistent F1K Adopter.
Kasama ni Bayambang Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno na tumanggap ng mga nasabing award sina Mark Kenneth Gangano na representante ni Municipal Health Officer, Dra. Paz Vallo, Bayambang District Nutrition Program Coordinator Mary Jane Rondina, at Sancagulis Barangay Nutrition Scholar Analiza Natividad.
Ayon kay Bueno, ang Green Banner Seal ay ang unang hakbang upang makuha ang pinakamataas na award ng NNC na National Nutrition Honor Award (NHA).
Bago makamit ang NHA, ang isang LGU ay dapat matamo ang Green Banner Seal ng diri-diretso sa tatlong taon upang gawaran naman ng Consistent Regional Outstanding Winner o CROWN Award. Kapag naging consistent naman ang LGU na makakuha ng CROWN Award sa dalawang magkasunod na taon ay gagawaran na ito ng NHA.