Muling nagliwanag ang bayan ng Bayambang sa opisyal na pagbubukas ng Paskuhan sa Bayambang 2022 na mayroong temang “Ikaw at Ako: Ilaw at Puso ng Pasko.” Tampok sa Municipal Plaza ang maningning na pailaw, Christmas bazaar kung saan makakabili ng iba’t ibang pagkain at kagamitan, at ang pagbabalik ng animated Christmas display na siyang pinakamalaki ngayon sa buong Pilipinas.
Sa isang maiksing programa nitong ika-18 ng Nobyembre, sama-samang sinalubong ng mga Bayambangueño at ng kani-kanilang mga kapamilya at kaibigan mula sa iba’t ibang parte ng probinsya ang panahon ng Kapaskuhan. Bago magpailaw ay nagkaroon muna ng isang misa sa pangunguna ni Rev. Fr. Reydentor Mejia ng Saint Vincent Ferrer Parish bilang pag-alala na ang Pasko ay tungkol sa pamilya at pagkasilang ni Hesukristo.
“Gusto namin, dito sa bayan ng Bayambang, laging masaya at laging puno ng pagmamahal,” mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao. Walang ginastos ang munisipyo sa Paskuhan dahil ito ay regalo ni Mayor Niña at
Dr. Cezar Quiambao, ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc., Niña Cares Foundation, at ng buong Team Quiambao-Sabangan para sa mga Bayambangueño ngayong Pasko.
Nakiisa naman sa Paskuhan ang iba’t ibang establisimyento at ang ilang mga barangay sa pagbibigay ng liwanag sa buong bayan. Ang ilan sa kanila ay kalahok sa mga patimpalak para sa Paskuhan sa Bayambang 2022 kabilang na ang Brightest Barangay at Parol-Making Contest.
Nakiisa rin sa programa si Pangasinan First Lady Ma-an Tuazon-Guico, na nagpaabot ng pagbati para kay Gov. Ramon Guico III.
Ang operasyon ng animated Christmas display ay mula alas sais hanggang alas nuwebe (6 PM-9 PM) gabi-gabi. Ito ay mananatiling bukas hanggang Enero 2023.