National Children’s Month Celebration 2022 | 24 na Bata, Nagpamalas ng Talento at Talino

Nagpagalingan sa pagkamalikhain at iba’t-ibang angking talento ang mga bibung-bibong 16 child development learners at walong Grade 5 at 6 students sa tatlong patimpalak — ang Draw and Tell, Bayambang Got Talent, at Poster-Making — na ginanap ngayong araw, ika-18 ng Nobyembre, sa Covered Court ng Bayambang Central School.

 

Ito ay inorganisa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) kaugnay ng selebrasyon ng National Children’s Month na may temang, “Kalusugan, Kaisipan, at Kapalaran ng Bawat Bata Ating Tutukan.”

 

Naging hurado sina G. Antonio Luces, Jr., champion violinist mula sa PSU-Bayambang, Bb. Geneva Reyes Cho, Project Development Officer II ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at Bayambang DILG staff G. Paul John Lomibao.

 

Ang mga mananalo ay makatatanggap ng P5,000 para sa 1st place, P3,000 sa 2nd place, P2,000 sa 3rd place, at tig-P1,000 naman bilang consolation prize. Ito ay iaanunsyo sa Awarding and Culminating Program sa November 24 kasabay ng State of the Children Address ni Mayor Niña Jose-Quiambao.