Barangay Officials, 100% Negative sa Drug Test ng PDEA

Walang lumabas na nagpositive sa isang surpresang drug test para sa lahat ng barangay officials ng Bayambang, sa ginawang aktibidad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon, November 15, sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park.

 

Ang aktibidad ay pinamagatang “Barangay Drug Clearing Program (BDCP) Re-Roll-out, Other Anti-Drug Advocacy Activities for Sustainability, and Lecture on Drug-Free Workplace,” at ito ay inorganisa ng BDCP Team ng Pangasinan Provincial Office ng PDEA at Bayambang Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa ilalim ni Mayor Niña J. Quiambao.

 

Naroon lahat ng opisyal ng 77 barangays ng Bayambang, sa pangunguna ni Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista.

Ang aktibidad ay parte rin ng taunang validation ng pagiging drug-free o drug-cleared ng lahat ng barangay, at isang basehan ng pagdedeklara ng pagiging Drug-Cleared Municipality ng isang bayan.

 

Parte ng organizers ang MLGOO, Municipal Health Officer, PNP, BADAC Chairperson, at Chairman of Peace and Order Council. Naroon din si Councilor Martin Terrado II, na siyang tumatayong SB Committee Chairman on Peace and Order.

 

Kabilang ang mga SK Chairperson, Chief Tanod, Barangay Secretary, at BHW President, sa 422 katao na dumaan sa surprise drug test.

 

Sa isang mensahe ni Mayor Niña J. Quiambao, ipinaalala niya ng isa-isa ang mga masamang epekto ng ipinagbabawal na droga. “Alalahanin po natin ang mga masasamang epekto nito sa ating buhay at pamilya,” pagdidiin niya.

 

Sa huli ay binigyan niya ng pagpupugay ang lahat ng mga barangay captian at iba pang barangay officials sa pagiging drug-cleared ng kani-kanilang sakop na lugar.