SINGKAPITAL 2022 | “Ang Pagmamahal sa Bayan ay Isang Uri ng Kabayanihan”

 

Ang pagdiriwang ng SingKapital 2022 ay muling ginawang isang outdoor event sa harap ng rebulto ni Heneral Emilio Aguinaldo noong November 14, sa pag-oorganisa ni Municipal Senior Supervising Tourism Officer, Dr. Rafael L. Saygo.

 

Ang event ay inumpisahan sa oras ng pag-aagaw ng liwanag at dilim, kaparis ng oras ng pagdating ni Hen. Aguinaldo at kanyang mga cabinet members noong takipsilim ng November 12, 1899.

 

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose Quiambao ang wreath-laying ceremony, kasama sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at mga Municipal Councilors, at si PNP-Bayambang OIC Chief, PLtCol. Rommel Bagsic.

 

Pambungad na salita ni Bayambang Municipal Council for Culture and Arts Chairperson, Prof. Januario Cuchapin, “Tunay nga na naitadhana ang pagparito ni Gen. Aguinaldo dahil minsa’y naging ikalimang kapital ng bansa ang Bayambang.”

 

Sa natatanging mensahe ni Mayor Niña, sinambit niya na, “Ang tunay na pagmamahal sa sarili nating bayan ang isa sa pinakamataas na uri ng kabayanihan.” Ipinaalala niya sa lahat na ang bayan natin ay dapat nating mahalin, respetuhin, tulungan, at huwag kalilimutan.

 

Nagkaroon naman ng mala-time-capsule learning experience sa salaysay ni Dr. Clarita Jimenez dahil detalyadong naikwento ang puno’t dulo kung bakit mayroon tayong dinaraos na SingKapital. Aniya, “Dito lang binibigyan ng pagkilala si Gen. Aguinaldo sapagkat malaki ang naiambag niya sa ating bayan.” Binigyan ding linaw ni Dr. Jimenez ang mga misconception kung sino ang nagdeklara ng araw ng kalayaan ng Pilipinas.

 

Sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Vice-Mayor Sabangan: “Ituloy natin ang pagtaguyod ng kasaysayang yaman ng ating bayan tungo sa mas progresibong kinabukasan ng Bayambang.”

 

“Tayong lahat ay bayani sa pagbibigay tanaw sa ating tradisyon, kultura at mga kinagawiang pamumuhay. Ang pagiging patriotic sa ating pamamaraan ay isang kabayanihan sa modernong panahon.”