Isa na namang successful event ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 5 (KSB Y5), matapos itong ganapin ngayong ika-4 ng Nobyembre sa Brgy. Bongato East Covered Court. Sa event na ito, dumalo sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Coun. Martin Terrado II, Coun. Mylvin Boying Junio, at Kasama Kita Sa Barangay Foundation Inc. (KKSBFI) Chief Operations Officer (COO) Romyl Junio, at siyempre ang buong pamunuan at mga residente ng Bongato East at Bongato West.
Mainit na tinanggap ang KSB Y5 team ng buong konseho sa pangunguna ni Bongato East Punong Brgy. Rolando Manlongat at Bongato West PB Alfonso Bernardo, kasama rin ang Master Teacher 1 ng Bongato East Elementary School na si Mrs. Leonora de Vera.
Para sa pambungad na salita, nagpasalamat si Coun. Terrado sa mga residente dahil aniya, “ang KSB Y5 ay bunga ng inyong pagmamahal. Kaya, nandito kaming lahat upang masuklian ang inyong suporta.”
Samantala, nagbigay si G. Romyl Junio ng nakaka-inspire na talumpati ukol sa mga sustainable livelihood programs bilang parte ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan ng administrasyong Quiambao-Sabangan 2.0. Payo niya, “Magbuo kayo ng at least tig-10 members sa isang grupo na may livelihood project at kayo ay aming tutulungan.”
Sa special message ni Vice-Mayor IC Sabangan, ipinaalala niya na “ang buong LGU ay tunay na nagmamalasakit sa ating lahat upang mabigyang lunas ang lahat ng ating hinaing. Nawa po’y lahat tayo ay patuloy na magtulungan dahil tayo po ay isang pamilya dito sa bayan ng Bayambang.” Kanya ring inanyayahan ang bawat isa sa darating na event, ang Paskuhan sa Bayambang, sapagkat ilang taong natigil ang event na ito dahil sa pandemya.
Sa AVP message naman ni Mayor Niña Jose-Quiambao, sinabi niyang, “May pangako po kami na tutulungan namin kayo sa abot ng aming makakaya, kaya napakahalaga ng mga proyekto na tulad na ito. Tinututukan namin ang pagtulong sa aspeto ng kalusugan, karapatan, kabuhayan at kaunlaran. Kaya’t sama-sama at sabay-sabay tayo tungo sa pag-asenso ng ating bayan.”