Para masigurado ang kaligtasan ng lahat ng dumadaan sa temporary bailey bridge at Carlo P. Romulo Bridge (o Wawa Bridge) sa Brgy. Wawa, nakipag-ugnayan si Mayor Niña Jose-Quiambao sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para inspeksyunin ang istraktura.
Naging representante ng alkalde si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, upang magtungo sa Wawa Bridge at makipagpulong kina Engr. Jayson Salvador, Head of Bridge and Other Infrastructure Unit, Engr. John Liwanag, BMS Coordinator, at Engr. Jayson Capito na pawang mula sa Pangasinan 4th District Engineering Office ng DPWH sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Matapos ang inspeksyon, siniguro ng DPWH team ang kaligtasan ng konstruksyon, subalit ipinaalaala rin nila ang mga alintuntuning dapat sundin sa pagtawid doon:
– Ang tulay ay one-way.
– Mayroon lamang itong 5-ton capacity, kaya’t tanging mga pedestrian, motorsiklo, at light vehicles lamang ang maaaring tumawid.
– Dapat ay laging may distansyang 20 metro ang bawat sasakyan mula sa iba pang sasakyan.
Anila, “Sasailalim sa retrofitting ang tulay. Hinihintay na lamang ang budget na ilalabas ng DPWH Regional Director.”
“Nakaplano na rin po na gumawa ng panibagong tulay sa tabi ng Wawa Bridge, subalit kailangan munang makapag-allocate ng budget para rito,” sambit pa ng mga ito.
Kanila ring ipinaliwanag na ang bailey bridge ay kayang tumagal hanggang sa higit-kumulang sampung taon.
Para na rin masigurong maipatutupad ang mga karagdagang alituntunin mula sa DPWH ay inimbitahan din ni Atty. Vidad sina BPSO Chief, Ret. Col. Leonardo Solomon, at PNP-Bayambang OIC-Chief, PLtCol. Rommel Bagsic, upang mabigyan ng abiso ang kanilang mga tauhang nagbabantay doon.