Task Force Undas at MDRRM Council, Nagsanib-Puwersa para sa Oplan Kaluluwa 2022 at Preparasyon para sa Bagyong Paeng

Muling inactivate ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang Task Force Undas sa taong 2022 upang siguradong maayos at ligtas ang pagdalaw ng mga mamamayan sa kani-kanilang namayapa sa dalawang sementeryo sa bayan ng Bayambang, ang Public Cemetery at ang pribadong sementeryo na Hands of Heaven Memorial Park.

 

Para rito, nag-issue ang Task Force ng mga alintutunin, kabilang ang iskedyul ng pagdalaw kada distrito, pagrequire ng ID at vaccination card sa mga bibisita, at iba pang regulasyon. Nagkaroon ng serye ng pagpupulong, kabilang na ang emergency meetings, face-to-face at online, upang maplantsa ang mga detalye, at inannounce sa social media ang mga dapat mabatid ng lahat.

 

Sa mismong mga araw ng Undas, nag-set up ng tents para sa entrance at exit posts kung saan may mga nakaantabay na security personnel (PNP, BPSO, BFP, force multipliers), MDRRM staff, at RHU medics. Naglinis naman ang staff ng SEE at Solid Waste, sabay paalala ukol sa proper waste disposal at waste segregation.

Ang Bayambang Integrated Business Association ay tumulong mamahagi ng pagkain sa mga nagsilbing personnel.

 

Sa gabay ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino, ang Task Force Undas ay kinabilangan ng MDRRMO, BFP, PNP, RHU, BPSO, SEE, ESWMO, barangay officials, force multipliers, at mga supporting departaments at units ng LGU.

 

Kabilang sa mga force multipliers ang mga volunteer reservist sa ilalim ni Lt. Amory Junio bilang Commander ng Alpha Company ng 104th Reserve Army ng Philippine Army at Ret. Col. Leonardo Solomon, bilang Battalion Commander ng Western Pangasinan.

 

Dahil may bagyo rin sa panahong iyon, ang MDRRM Council ay naka-alerto sa pagdating ng bagyong Paeng at bagyong Queenie.

 

Dahil sa itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Bayambang noong October 30-31, ang boat operation ay pansamantalang sinuspende simula October 30. Pinayuhan ang mga may sariling bangka na huwag munang tumawid ng ilog. Nakasama ng LGU ang PNP, PDRRMO, San Carlos CDRRMO, CIS, Reaction 166, at BDRRMC sa pagbabantay at pagsisiguro na walang pribadong bangka ang tumatawid sa ilog.

 

Nag-field monitoring naman ang Agriculture Office upang malaman ang lawak ng nasalantang sakahan.