Co-op Members, Muling Tinipon sa Pangalawang Summit

Apat na taon matapos ang unang Cooperative Summit noong 2018, muling tinipon ang 25 na aktibong kooperatiba sa bayan ng Bayambang noong October 26 sa Balon Bayambang Events Center para sa 2nd Cooperative Summit. Ito ay inorganisa ng Municipal Cooperative Development Office sa ilalim ng pamumuno ni OIC-Cooperative Development Officer Albert Lapurga sa pakikipagtulungan ng Bayambang Poverty Reduction Action Team.

 

Bilang parte ng programa, sabay-sabay na binigkas ng mga miyembro ng bawat kooperatiba ang Cooperative Pledge na pinangunahan ng representante ni G. Rolando Padua, Chairman ng Radiant Dragon Grand Society Consumers Cooperative.

 

“Makinig, magkaisa at matuto para sa ating layunin na mawakasan ang kahirapan sa bayan,” pambungad ni Sangguniang Bayan Committee on Cooperatives Chairman, Councilor Martin Terrado II, para sa mga miyembro ng kooperatiba.

 

Pawang pagbati at inspirasyunal na mensahe naman ang ibinigay ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at ni Cooperative Development Authority Chairman, Undersecretary Joseph Encabo, sa pamamagitan ng recorded video, ang napakinggan ng lahat ng partisipante.

 

Sa naturang summit, inimbitahan bilang mga tagapagsalita sina Cooperative Development Specialist Sheryl Lou Padua at Senior Cooperative Development Specialist Filipina Porio, representante ni Acting Regional Director ng Cooperative Development Authority-Region I, Mr. Alberto Sabarias, kung saan kanilang tinalakay at ipinaliwanag kung ano nga ba ang kooperatiba, mga update ukol dito, at ang kahalagahan nito sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan.

“Traits of a Successful Entrepreneur” naman ang laman ng presentation ni Department of Trade and Industry Business Counselor Kimberly Martinez.

 

Upang matulungan ang mga kooperatiba sa pagpondo ng kanilang mga proyekto, inisa-isa naman nina Land Bank of the Philippines-San Carlos City Branch Manager, Ms. Menchie Mencias, at Agricultural Credit Policy Council Project Assistant, Ms. Mary Jane Mamaril, ang kani-kanilang mga loan at lending programs.

 

Ipinaliwanag nila kung anu-ano ang mga requirements sa pag-avail ng mga ito at kung sinu-sino ang mga magiging kwalipikado.

Mga success story naman ang ibinahagi nina Lingayen Catholic Credit Cooperative Manager, Mr. Mario Mararac, at BAMACADA Transport Cooperative Chairman, Mr. Abraham Medrano, na pawang nagpamangha sa mga partisipante dahil na rin sa napalagong asset ng mga ito, ilan taon lamang matapos pamunuan ang kaniya-kaniyang kooperatiba.