Nagpahayag ng kagalakan si Municipal Mayor Niña Jose-Quiambao dahil matapos ang tatlong taon ay muli na namang nagbabalik ang LGU Sportsfest. Ito ay matapos na pormal na buksan ang LGU Sportsfest 2022 sa Balon Bayambang Events Center ngayong araw, Oktubre 3, sa temang “Nankakasakey ya Itanduro so Abig-Laman ed Balon Normal.” Ito ang panglimang LGU Sportsfest sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan.
Ang pabubukas ng sportsfest ay inumpisahan ng isang parada na umikot sa bayan. Hindi nagpatalo siyempre ang bawat team sa pagandahan ng kanilang float, sports attire, cheering, at muse at adonis. Nagmistulang beauty pageant ang Mr. and Ms. LGU Sportsfest, at may isang entry ng cheering ang nagmukha namang isang concert, complete with a music band.
Ang mga empleyado ay kalahok sa anim na koponan: ang Team Annex (Masigasig), Team Executive (Sinaglahi), Team Legislative (Marangal), Team Health (Luntian), Team National (Magiting) at Team S.E.E. (Mandirigma).
Itinanghal na Mr. LGU Sportsfest 2022 si Michael Louie Iglesias (Team Annex) dahil sa tindig at confidence nito bilang isang paraglider, at Ms. LGU Sportsfest 2022 naman si Gng. Gloria Valenzuela ng Team Executive na nagpasiklab bilang isang Egyptian goddess.
Dahil sa patok na gimik na ito, niyanig ng malalakas na hiyawan at nakabibinging tawanan ang venue. Tila ang lahat ay humataw matapos ang mahabang pagkasabik sa tuwa at saya noong kasagsagan ng pandemya.
Sa kanyang talumpati, ipinaalala ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ang kahalagahan ng sports: it fosters camaraderie and rapport, produces happy hormones, and boosts productivity, among other benefits, aniya.
Ang sportsfest ay inorganisa ng Municipal Physical Fitness and Sports Development Council sa ilalim ni Executive Director, Ret. Prof. Bernardo Jimenez, kasama sina Sangguniang Bayan Secretary Joel Camacho at Balon Bayambang Employees Association President, Deputy Budget Officer Princesita Sabangan.