TOURISM MONTH 2022 | Kulturang Bayambangueño, Bida sa Selebrasyon

Nakamamanghang mga costume, mga lokal na destinasyon at produkto, kakaibang mga souvenir items, bagong kaalaman sa larangan ng turismo, at ang bagong Culture Mapping book ng bayan ng Bayambang ang tampok sa pagdiriwang ng Tourism Month 2022 noong September 27-29 sa Balon Bayambang Events Center.

 

Sa unang araw ng selebrasyon, ibinida ng mga contestant sa Mr. and Miss Tourism 2022 ang kani-kanilang creative costume na pawang base sa lokal na kultura. Kinilala bilang Mr. Tourism 2022 si Dandie Perez na ipinakita ang “Mandirigma ng mga Magsasakang Bayambangueño” sa kanyang suot na gawa sa mais, kawayan, at banig. Miss Tourism naman si Jasmine Niña Pingul na ang creative costume ay hango rin sa mais na isa sa pangunahing produkto ng Bayambang. Samantala, naging 1st Runner-up at 2nd Runner-up si Lowell Mabanglo at Fernando Magat sa Mr. Tourism, at Precious Angel Ercilla at Vanessa Martinez naman sa Miss Tourism 2022.

 

Kasunod nito ay sumailalim sa Front Office Service at Housekeeping training ang mga myembro ng sektor ng turismo, mga estudyante, at iba pang mga interesadong partisipante. Ang Tourism Promotion Services Training ay naisagawa sa tulong ng TESDA-Pangasinan School of Arts and Trades at Pangasinan Provincial Tourism Office.

 

Sa huling araw naman ng programa noong September 29, pinarangalan ang mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak. Narito ang mga nanalo sa Virtual Tour Guiding Contest:

Champion: Karishma Gupta (Silver Concha Wave Pool Resort)

2nd Place: Jan Rlee de Guzman (Switch Café)

3rd Place: Alberto Agbuya (Daan ya Campo Santo)

4th Place: Kyla Gunay (Carlos P. Romulo Bridge)

5th Place: Johmila Xy Buizon (Silver Concha Wave Pool Resort)

 

Ipinakita rin ng iba’t ibang paaralan ang kanilang galing sa paggawa ng mga produkto sa Best in Souvenir Design Competition. Kanya-kanyang disenyo ng mga booth ang kanilang inihanda at itinanghal na Champion ang Pangasinan State University Integrated School, 2nd Place ang Beleng National High School, at 3rd Place ang Tococ National High School. Lumahok din dito ang Saint Vincent’s Catholic School of Bayambang, Inc. at Bayambang Polytechnic College.

 

Sambit ni Supervising Tourism Operations Officer, Dr. Rafael L. Saygo, “Ito lang po ang nagpapakita how resilient Bayambangueños are, and how resilient the tourism sector is here in Bayambang – despite the reason that we don’t have oceans or mountains, or any natural resources na maipagmamalaki kagaya ng ibang bayan, ang masasabi ko lamang po, ang maipagmamalaki ng turismo ng bayan ng Bayambang ay ang bawat Bayambangueño na patuloy na nakikipaglaban para maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.”

 

Ayon naman kay Mayor Niña Jose-Quiambao, “Tourism is so much more than generating revenue. It is a people-oriented sector. It is about experiences and an exchange of cultures, and foremost, it is about people at the heart of its brand.”

Tinanggap din doon ni project proponent at lead mapper, Dir. Christopher Gozum, kasama ang mga project coordinators, validators, at culture mappers ang opisyal na Culture Mapping Book ng bayan na may titulong “Say Nanlapuan: Pamabirbir ed Baley ya Sinulmingan” – ang proyektong sinimulan noong 2018 na naglalayong ma-preserba ang kultura ng bayan ng Bayambang. Kasama sa tumanggap ng aklat ang representante mula sa Center for Pangasinan Studies, Mr. Nicanor Germono, Jr.

 

Ang programa ay dinaluhan rin ni Vice Mayor Ian Camille Sabangan, Sangguniang Bayan Committee on Tourism Chairperson, Councilor Benjamin Francisco de Vera, at iba pang mga myembro ng Sangguniang Bayan, Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts Executive Director, Prof. Januario Cuchapin, kasama ang mga myembro ng BMCCA, mga guro at estudyante ng iba’t ibang paaralan, mga department at unit heads ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, mga myembro ng sektor ng turismo, at iba pang mga bisita.

 

Ang Tourism Month 2022 ay may temang “Rethinking Tourism.”