Panawagan ukol sa Bilad na Mais sa Daan, Inaksyunan ng POSO at PNP

Binigyan pansin ang isang panawagan ng isa nating kababayan mula sa Brgy. Wawa noong ika-23 ng Hulyo ukol sa patuloy na pagbibilad ng mais ng ating mga kababayan sa national road na maaaring pagmulan ng aksidente. Kaya’t agad na nagsagawa ng isang Road Clearing ang POSO at PNP sa nasabing barangay.

Kinausap din ng buong puwersa ang mga residente ng Brgy. Wawa na malapit sa national road upang masabihan na ipinagbabawal ang pagbibilad ng mais sa highway. Layunin nito na mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko at maiwasan ang aksidente na puwedeng ikapahamak ng mga Bayambangueño.

Sa kabilang dako, muli namang nagpamalas ng katapatan ang isang Bayambangueño na nagsurrender ng cell phone na kaniyang napulot sa ating traffic enforcer. Agad namang ibinigay ng ating traffic enforcer ang cell phone sa tanggapan upang maibalik ito sa may-ari.

Tinitiyak ng buong team na bukod sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ay nabibigyan din ang mga Bayambangueño ng serbisyong may tatak Total Quality Service dito sa bayan ng Bayambang.