Bagong PSU-Bayambang Executive Director, Nag-Courtesy Call kay Mayor Quiambao
Nagtungo ang bagong Executive Director ng Pangasinan State University-Bayambang Campus na si Dr. Liza L. Quimson kay Mayor Cezar T. Quiambao noong July 13, 2020 upang mag-courtesy call at talakayin ang mga maaaring gawing hakbang ng paaralan at ng lokal na pamahalaan para sa ikauunlad ng bayan.
Binuksang muli ni Mayor Quiambao kay Dr. Quimson at sa kanyang mga kasamahan mula sa PSU-Bayambang na sina Dr. Luzviminda Ramos, Dr. Cielo Fernandez, Dr. Joseph Campit, Dr. Raquel Pambid, Prof. Rosabella Mendez, at Prof. Tuesday De Leon ang posibilidad na gawing bagong parking space ang bakanteng lote sa campus upang maiwasan na ang illegal parking sa bayan at mas lumuwag ang mga kalsada at mapanatili ang kaayusan sa Poblacion. Kapag naisakatuparan ito ay maaaring mahikayat ang mas marami na magsimula ng negosyo na siyang magpapalakas ng ekonomiya ng bayan at makakadagdag sa pinagkakakitaan ng mga Bayambanguen~o.
Bukod dito, tinalakay rin ni Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) head Rafael L. Saygo ang mga programa na nakapaloob sa Bayambang Poverty Reduction Plan (BPRP), ang action plan na naglalaman ng mga planong isasakatuparan ng munisipyo upang tuluyan nang mawala ang kahirapan sa bayan. Mahalaga ang sektor ng edukasyon sa BPRP kaya patuloy ang pakikipagtulungan ng munisipyo sa lahat ng paaralan sa Bayambang upang masiguro na mayroong sapat na kagamitan ang mga guro at conducive learning environment ang mga estudyante.
Noon pa lamang ay mayroon nang magandang relasyon ang munisipyo at ang PSU-Bayambang, at sa pagdating ng bagong Campus Executive Director ay umaasa ang lokal na pamahalaan na lalo pang mapagtibay ang samahan ng dalawang institusyon para sa ikabubuti ng mga Bayambanguen~o.