Supplementary Feeding Program, Inilunsad para sa Malnourished Children
Upang tulungang masiguro ang kalusugan ng may batang kulang sa timbang at taas (underweight, stunted at wasted children) mula edad 6 na buwan hanggang 5 taon sa panahon ng COVID-19 pandemic, nag-umpisa nang magpahagi ang Nutrition Section ng mga food packs sa mga barangay.
Ayon kay Municipal Nutritionist Venus M. Bueno, nag-umpisa ang grupo na magpamahagi noong ika-31 ng Marso sa mga target na bata sa 63 barangays, at nakatakdang ipagpatuloy ang pamamahagi sa natitirang 14 na barangays sa April 1.
Ang mga naturang paslit ay dati nang binabantayan ng Munisipyo, at nagdagdag pa ng ilang target na bata (mga batang kulang sa taas o stunted) upang mas madami ang maabutan ng tulong. May sumatutal na 1,000 na bata ang benepisyaryo ng programa.
Ang isang food pack ay naglalaman ng bigas, prutas (mansanas at saging), gulay (carrots), pula o puting asukal, cooking oil, at assorted biscuits o wafer na inaasahang aabot ng ilang araw kada bata. Kada bata ay tumanggap ng dalawang food packs.
Nakatakdang tumanggap ang mga naturang benepisyaryo ng pangalawang delivery sa susunod pang mga araw.