“Para Kang Nagpagamot sa Amerika”
Isa na namang medical mission ang naghatid ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga under-served na pasyente sa Bayambang, salamat sa inisyatibo ni Mayor Cezar Quiambao at pakikipagtulungan ng Philippine Medical Association in Chicago (PMAC). Ito ay mula January 28 hanggang January 31 at ginanap sa Balon Bayambang Events Center at Bayambang District Hospital.
So far, ang medical mission na ito ay may pinakamalawak na hatid na mga serbisyo, at ito ay kinabibilangan ng mga minor at major surgical procedures, kabilang na ang dental at ophthalmic surgery, bukod pa sa usual na general medical check-up at pamimigay ng gamot.
Kabilang sa mga serbisyo ay minor surgery (gaya ng appendectomy), plastic surgery para sa bingot (harelip) at iba pang facial abnormalities, simple orthopedic cases, thyroidectomy, gall bladder operation, hysterectomy, pag-opera sa mga bukol (large breast myoma at uterus myoma, hernia, hydrocele, scrotal mass), ophthalmic operations (cataract, cross-eye, pterygium, at iba pang outer abnormalities, at abnormalities sa mga bata gaya ng squint, poor vision, at iba pang eye deformities), at optometry with free reading glasses.
Lahat ng ito ay libre, at sa unang pagkakataon sa termino ng Quiambao-Sabangan administration ay nagkaroon ng libreng operasyon sa mata at odontectomy o surgical removal of impacted wisdom tooth.
Galing pa sa Amerika ang mga espesyalista, kaya’t ayon sa local physician na si Dr. Henry Fernandez, “para ka nang nagpagamot doon” sa pagkakataong ito.
Ayon sa delegasyong pinamunuan ni Dr. Dionisio Yorro at Dr. Zita Yorro ng PMAC at lola ni Bayambang First Lady Niña Jose-Quiambao, may 85 na doctors, nurses at miyembro ng ophthalmology team ang kasama sa kanilang grupo. Mayroon din silang dalang isang mobile hospital o hospital-on-wheels.
Ayon naman kay Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, napakalaking katipiran ito para sa mga na-screen na mga benepisyaryo. “Ang typical na operasyon para sa strabismus o pagkaduling ay nagkakahalaga ng P200,000. Ang odontectomy naman ay nagkakahalaga ng P30,000-P50,000.”
Kaagapay sa medical mission na ito ang Kasama Kita sa Barangay Foundation, Bayambang District Hospital na nasa ilalim ng Pangasinan Provincial Health Office, Pangasinan Dental Association, at Pangasinan Medical Society. Sagot naman ng LGU-Bayambang ang accommodation expenses ng mga bisita.
Sa unang pagkakataon, naging parte rin ng medical mission na ito ang CME o Continuing Medical Education seminar na hatid ng PMAC para sa mga local doctors, nurses, at iba pang health care professionals. (Bayambang Public Information/Media Affairs Office)