Panangabet: Pagbati sa mga Duktor na Tumulong sa Bayambang
Matapos ang unang araw ng Medical-Dental-Optical-Surgical Mission noong ika-28 ng Enero ay isang gabi ng pagbati at pasasalamat ang ginanap sa Kabaleyan Cove Resort, San Carlos City para sa mga duktor at lahat ng indibidwal na tumulong sa pagsasakatuparan ng programang ito na tumutugon sa pangangailangang medikal ng mga Bayambangueño.
Kabilang sa mga dumalo sa Panangabet sina Mayor Cezar T. Quiambao, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr. at mga department head ng lokal na pamahalaan, ilang myembro ng Sangguniang Bayan, Kasama Kita sa Barangay Foundation CEO Romyl Junio, Municipal Health Officer Dr. Paz F. Vallo at Municipal Supervising Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo, na siyang mga nakipag-coordinate sa Philippine Medical Association in Chicago (PMAC), sina Dr. Zita Yorro at Dr. Dionisio Yorro Jr. na nanguna sa PMAC, at sina Bayambang First Lady Niña J. Quiambao at kanyang ama na si Philip Jose na siyang mga pangunahing dahilan kung bakit naging posible ang Medical-Dental-Surgical-Optical Mission na ito dito sa Bayambang.
Sambit ni Dr. Dionisio Yorro Jr., “When we visited Niña and Cezar (Quiambao), we were so impressed by how they had affected Bayambang.” Dahil dito, hindi sila nagdalawang-isip na tipunin ang kanilang mga kapwa doktor mula sa PMAC at iba pang institusyon upang makatulong sa pagbangon ng Balon Bayambang. Tinawag ni Dr. Yorro si Mayor Quiambao na “mayor for the people” dahil sa kanyang dedikasyon sa pagtulong sa mga Bayambangueño na nagsilbing inspirasyon din ng kanilang grupo sa pagpunta dito mula pa sa Amerika.
Samantala, humanga naman ang mga bisitang duktor sa isang cultural show na pinangunahan ng Matalunggaring Dance Troupe. Hinangaan din nila ang pagkaka-organisa at pagsasaayos sa lahat ng pangangailangan para maging matagumpay ang programa.
1,264 na mga benepisyaryo na ang naitala sa unang araw pa lamang ng medical mission. Hindi pa kasama rito ang bilang ng mga sumailalim sa minor at major surgery. Nananatiling bukas ang Balon Bayambang Events Center hanggang January 31, 2020 para sa lahat ng Bayambangueño na nais ring maranasan ang magpagamot ng parang nasa Amerika.