Red Team, Kampeon sa 2019 LGU Sportsfest
Noong January 23, makulay na nagtapos ang 2019 LGU Inter-Color Sportsfest sa Balon Bayambang Events Center sa pag-oorganisa ng Municipal Physical Fitness and Sports Development Council sa ilalim ng Executive Director na si Prof. Bernardo C. Jimenez.
Ito ay pinasimulan ng parada na may kasamang banda na gumising sa mga dinaanan ng walong koponan, ang Team Red, Pink, White, Blue, Gray, Orange, Yellow, at Black. Kada team ay pinamumunuan ng isang Sangguniang Bayan member at binubuo ng mga empleyado mula sa magkakaibang departamento.
Naroon sina Vice Mayor Raul Sabangan, Konsehal Mylvin Junio, Konsehal Martin Terrado II, Konsehal Philip Dumalanta, at Konsehal Amory Junio upang makisaya sa okasyon.
Base sa scoresheet, idineklarang kampeon ang Red Team na pinamunuan ni Vice-Mayor Sabangan matapos nitong umani ng pinakamataas na overall score.
Mensahe ni Vice-Mayor Sabangan, “Salamat at mayroong programa na magbibigay-daan upang palakasin ang inyong mga pangangatawan, dahil bilang kawani ng gobyerno, kailangan ng inyong katawan ang maging physically fit at mentally awake upang makapag-bigay kayo ng better service sa ating bayan.”
Wika naman ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista Jr., “Hindi lamang para sa pagpapalakas ng ating katawan ang aktibidad na ito, kundi upang makikilala ng mabuti ang isa’t-isa at magbuild ng pagkakaisa sa mga empleyado. Higit sa lahat, ito ay upang malaman ng lahat na ang kalaban [sa patimpalak na ito] ay ang ating sarili hindi ang kapwa-empleyado.”
Isang highlight ng Culmination Program ay ang pagrampa ng mga representanteng muse at adonis ng bawat team suot ang kani-kanilang sportswear.
Tumayo bilang hurado sina Oscar Ora, Melanie Junio, at Bayambang National High School Senior High School Principal Virgil Gomez, at itinanghal nilang kampeon ang Team Red sa parehong kategorya.
Nagbigay-kasiyahan din sa bawat koponan ang Palarong Lahi, kung saan bida ang mga tradisyunal na larong Pinoy.