Bayambang: All out to fight poverty in 2020
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginanap sa Bayambang ang New Year’s Call kung saan ipriniresenta ang mga naiuwing parangal at pagkilala para sa bayan noong 2019 at ipinaliwanag ang mga aabangang programa para sa taong ito. Noong ika-6 ng Enero, sa unang Monday flag ceremony ng 2020, iniulat ni Mayor Cezar T. Quiambao ang Executive-Legislative Agenda (ELA) na ipinanukala ng lahat ng mga department head at mga myembro ng Sangguniang Bayan noong nakaraang Septyembre.
“Tinawag itong Executive-Legislative Agenda dahil ipinapakita nito ang importansya ng pagtutulungan at ng magandang relasyon sa pagitan ng Executive at Legislative branch ng ating lokal na pamahalaan,” ani Mayor Quiambao. “Hindi ito plano ni Mayor o Vice Mayor lamang, plano po ito ng buong Bayambang,” paliwanag niya. Kabilang sa ELA ang mga plano sa mga sektor ng imprastraktura, institusyonal, sosyal, pangkalikasan, at pang-ekonomiya para sa 2020 hanggang 2022.
Sa pangunguna naman nina Vice Mayor Raul R. Sabangan at Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., ang mga halal na opisyal at mga kawani ng gobyerno ay nanumpa sa patuloy na pagbibigay ng mahusay na serbisyo publiko para sa mga Bayambangueño.