Rizal: Haligi ng Bansa
Inalala ang kadakilaan at mga sakripisyo ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal sa isang simpleng seremonya sa harapan ng kanyang bantayog sa Municipal Plaza noong ika-30 ng Disyembre 2019.
Sa pangunguna ng Philippine National Police – Bayambang at ng Municipal Tourism and Cultural Affairs Office, sa ilalim nina OIC Police Chief Marceliano Desamito Jr. at Supervising Tourism Officer Rafael L. Saygo, ay isang wreath-laying ceremony ang ginanap alinsunod sa pag-alala ng buong bansa sa kamatayan ni Rizal na siyang naging utak ng rebolusyon na nagpalaya ng Pilipinas mula sa kamay ng mga Kastila.
“Ang araw na ito ay paggunita ng kamatayan at kabayanihan ng ating Gat Jose Rizal,” ani Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr. Naniwala si Rizal sa rebolusyon sa mapayapang paraan kaya siya ay hinahangaan hanggang ngayon hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa iba pang mga bansa sa Asya. Dagdag pa niya, katulad ni Rizal ay mayroong isang Bayambangueño na nagbalik sa kanyang bayan at nagsasakripisyo para sa ikabubuti nito – ito ay si Mayor Cezar T. Quiambao na maituturing na utak ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Dumalo naman sa seremonya sina Councilor Martin Terrado II, Councilor Amory Junio, at mga department head ng munisipyo kasama ang ilan pang mga Bayambangueño. Ang pag-alalang ito ay isa ring panawagan sa mga Bayambangueño para magkaisa upang magtagumpay sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan ang bayan ng Bayambang.