STAC Provincial Meet

Bayambang, Nag-Host ng 14th FSPAP Year-End Assembly

Naging host ang LGU Bayambang ng 14th Year-End Assembly ng Federation of Stimulation and Therapeutic Activity Center (STAC) Parents Association in Pangasinan Inc. (FSPAP) na idinaos sa Balon Bayambang Events Center noong ika-3 ng Disyembre.

Ang selebrasyon ay dinaluhan ng mga representante mula pa sa iba’t-ibang bayan at syudad ng Pangasinan. Kabilang sa mga nagwelcome sa mga bisita sina Vice-Mayor Raul Sabangan at Councilor Martin Terrado II.

Sa pambungad na mensahe ni OIC MSWDO Kimberly Basco, binati niya ang mga dumalo at binigyang-diin ang tema ng selebrasyon, na “Iisang adhikain, iisang mithiin, itaguyod ang kapakanan at karapatan ng mga batang may kapansanan.”

“Kahit kayo ay may kapansanan, meron kayong natatagong talento na pwede ninyong maiambag sa ating lipunan. Nagpapasalamat din ako sa mga magulang na patuloy na sumusuporta sa kanilang mga anak,” aniya.

Ayon naman kay Municipal Consultant on Poverty of Alleviation, Lerma Padagas, “Taon-taon nagkakaroon ng ganitong aktibidad upang bigyang kaligayahan ang mga batang may kapansanan, kaya sana maging maligaya kayo sa pagpunta sa Bayambang. Ako’y lubos na masisiyahan kung makita ko kayong masaya.”

Hinatid naman ni Local Council of Women of Bayambang Vice-President at Tourism Office head Rafael L. Saygo ang mensahe ni LCW Bayambang President at First Lady Niña Jose-Quiambao, “Ang ating mga anak ang ating mga kayamanan; bawat isa sa kanila ay isang kaloob mula sa Diyos na nangangailangan ng wastong pangangalaga, patnubay, at suporta. Sa lahat ng narito ngayon, saludo po ako sa paglilingkod sa mga taong hindi makakita, sa mga taong hindi nakakarinig, at binti sa mga taong hindi makalakad. Ang dami ng pagsisikap at pagtitiis na ipinapakita ninyo bilang mga magulang ay nagbigay-inspirasyon sa akin bilang ina sa aking anak at sa buong bayan ng Bayambang. Kaya’t mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat.”
Sa sariling mensahe naman ni Mayor Cezar T. Quiambao bilang Guest Speaker, nakuwento niyang “consistent recipient ang bayan ng Bayambang ng Seal of Child-Friendly Municipality.”

Nabanggit niyang ang STAC Bayambang ay mayroong 83 pupils na tinutulungan, 40 sa SPED classes at 43 sa physical therapy. Noong June 4 ay naghatid ang RHU 2 ng libreng medical at dental services. Pa-birthday iyon ng isa nating nurse sa RHU 2 katulong ng Victory Church, kaya meron ding free optical services, distribution ng free hygiene kits, storytelling, palaro, at pa-party para lamang sa kanila. Noong Disability Prevention and Rehabilitation Week ay namigay tayo ng mga libreng assistive devices sa STAC: 13 pediatric wheelchairs, 14 pediatric walkers, at 4 prostheses. Tuwing matatapos ang Disyembre, tayo naman ay may tradisyunal na pa-party sa mga bata sa tulong ng MSWDO at Kasama Kita sa Barangay Foundation kung saan may mga mascots ng popular cartoon characters at magicians—tuwang-tuwa ang mga bata! Ito ay ang taunang Pamaskong Handog, now on its 17th year.”

Naroon din si Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo, upang ipaliwanag ang mga health benefits ng mga CWD (children with disabilities).

Pagkatapos nito’y nagbigay ng kanya-kanyang testimonya ang mga magulang bilang pasasalamat sa lahat ng tulong na kanilang natatamo dahil sa STAC.

Bilang panghuli, nagbigay pasasalamat si FSPAP President Teresa A. Laxamana sa tulong ng LGU Bayambang sa matagumpay na pagtitipon, partikular na kay Mayor Cezar T. Quiambao.

 

Arrow
Arrow
Slider