1st Community-Based Literacy Program, Inilunsad
Inilunsad noong Oktubre 21 sa 3rd floor ng Royal Mall ang kauna-unahang Community-Based Literacy Program na inorganisa ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) sa pakikipagtulungan ng Pangasinan State University (PSU)-Bayambang Campus.
Layunin ng programang ito na mapataas ang literacy rate sa bayan sa pamamagitan ng paghahandog ng libreng 6-month remedial instruction sa mga batang mula sa Pantawid Pamilya beneficiary families katulong ang mga volunteer teachers.
Naroon upang magpakita ng taos-pusong suporta si Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan P. Fernandez.
“Kaisa niyo po kami sa ating adhikaing ito sa pagsugpo ng illiteracy sa Bayambang,” pagbati ni BPRAT Chairperson, Dr. Joel T. Cayabyab, sa pagbubukas ng programa.
Naroon din ang President ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. na si Romyl A. Junio. “Kami po ay nagtatanim ng mga kapakipakinabang na gawain upang pagdating ng takdang panahon ay atin itong aanihin. Hindi po namin kayo iiwanan dahil naniniwala po kami na ang purpose natin ay magbigay ng pag-asa para sa mga bata,” pagbibigay-katiyakan niya.
Nagpahayag naman ng kagalakan sina Bayambang II District Supervisor, Dr. Diana C. Baguio, PSU-Bayambang Dean of College of Nursing, Dr. Cielo Fernandez, at Associate Dean ng School of Advanced Studies Satellite na si Dr. Razeale G. Resultay sa paglulunsad ng LGU Bayambang ng nasabing programa.
Matapos ang seminar para sa mga trainors, nagbigay ng bagong tsinelas ang BPRAT sa mga batang benepisyaryo. Ito anila ay mula sa kinita ng event na Padyak Laban sa Kahirapan na kanilang inorganisa noong nakaraang Agosto.