Munisipyo, Nagtungong Sancagulis para sa KSB Year 3
“Anuman ang tibay ng pising abaka, wala ring lakas kapag nag-iisa.”
Ang kasabihang ito ay muling napatunayan noong Oktubre 11, nang magkaisa ang iba’t-ibang mga departamento ng LGU Bayambang at national agencies upang maghatid-serbisyo sa mga kababayan sa Brgy. Sancagulis na ginanap sa Cason Elementary School sa ikalawang pagkakataon. Kabilang din ang mga Barangay ng Bical Norte at Bical Sur sa mga nakatanggap ng iba’t-ibang libreng serbisyo gaya ng medical at dental services, pag-aapply para sa Community Service Card, pagrerenew ng Business Permit, at bakuna sa hayop. Sa pangunguna nina Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo at RHU II head Dr. Adrienne Estrada ay naging matagumpay ang edisyong ito ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, na kung saan 841 ang naitalang benepisyaryo.
Naroon din si Municipal Legal Officer Atty. Germaine Orcino na nagbigay ng espesyal na mensahe. Wika niya, “Masuwerte tayo dahil hindi na natin kailangan pang pumunta sa bayan para magpacheck-up sa duktor dahil sila mismo ang lalapit para maghatid ng serbisyo.”
Nagpasalamat naman ang barangay captain ng Sancagulis na si Punong Barangay Marcelo C. Caniezo, kasama si Bical Sur PB Noli Matabang, at ang pinuno ng Cason Elementary School na si Principal Susana D. dela Cruz dahil ang mga taga-Munisipyo ay muling nadalaw sa kanilang lugar at naihatid ang iba’t-ibang serbisyo.