Para sa Kabataan: Community Based-Literacy Program, Tuloy na Tuloy Na
Tuloy na tuloy na ang Community Based-Literacy Program para sa mga kabataang may pangangailan.
Noong October 8 sa Municipal Conference Room ay plinantsa na ang mga nakaplanong aktibidad sa direksyon ni Dr. Razeale Resultay ng Pangasinan State University.
Ang LGU ang magkaconduct ng mga aktibidad sa pangunguna ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) sa pakikipagtulungan ng Department of Education, Local School Board, Sangguniang Kabataan, MSWDO, Municipal Literacy Coordinating Council, at Kasama Kita sa Barangay Foundation.
Ayon kay BPRAT Focal Person on Social Protection and Development na si Valentine Garcia, bago mag-umpisa ang programa ay magkakaroon muna ng three-day seminar workshop upang masanay ang mga guro sa pagtuturo ng pagbabasa sa mga piling mag-aaral na nasa tinatawag na “Under Frustration Level of Reading.”
May 38 na guro mula District 1 at 2 ang ite-training. Mayroon namang 122 learners na Pantawid Pamilya members ang magiging benepisyaryo ng programa.
Ayon pa kay Garcia, nakatakdang magkaroon ng Memorandum of Agreement ang lahat ng partido para sa nabanggit na proyekto.
“Sa phase 2 ng proyekto ay magkakaroon ng isang Summer Camp upang ma-apply ng mga kabataan ang kanilang natutunan,” dagdag niya.