Bayambang, Grand Winner sa ATOP Award for Best Practices on Community-Based Responsible Tourism (Bayambang Culture Mapping Project)
Itinanghal na Grand Winner ang munisipalidad ng Bayambang sa Best Practices on Community-Based Responsible Tourism category ng Association of Tourism Officers of the Philippines – Department of Tourism (ATOP-DOT) Pearl Awards. Iginawad ang parangal na ito para sa Bayambang Culture Mapping Project na kasalukuyang tinatapos sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng Bayambang National High School (BNHS).
Muli namang nagwagi ang munisipalidad sa kategoryang Best Tourism Week/Month Celebration kung saan itinanghal na 1st runner-up ang Bayambang para naman sa selebrasyon ng Tourism Week 2018 na inorganisa sa pangunguna ni Supervising Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo at ng Municipal Tourism and Cultural Affairs Office (MTCAO).
Kasama ni Saygo sa pagtanggap ng mga pinagpipitagang parangal sina Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts Executive Director Prof. Januario Cuchapin, BNHS Teacher II Ian Camille Sabangan, Senior Tourism Operations Officer Patricia Espino, at MTCAO staff na sina Lester Blancas at Ronald Arellano.
Ang 14th ATOP-DOT Pearl Awards Awarding Ceremony ay ginanap sa Ilocos Norte noong ika-4 ng Oktubre at ito ay dinaluhan ng mga tourism officer at mga opisyal mula sa iba’t ibang bayan, syudad, at probinsya sa buong Pilipinas.