Limang Araw na Medical Mission
Kakaba-kaba ka ba?
Hindi iyan problema dahil libre ang magpa-ECG sa isa na namang medical mission na inilunsad ng pamahalaang lokal sa fourth quarter ng taong ito.
Hindi lang ECG ang libre — libre din ang general consultation, medical check-up, dental cleaning, dental restoration, dental extraction, at minor at major surgery. Mayroon pang free skin consultation at advice mula sa One Skin.
Dahil sa kakulangan ng salaping pampagamot dala ng labis na kahirapan sa buhay, maraming Bayambangueño ang hindi magawang makabisita man lang sa duktor upang ipatingin ang kanilang mga iniinda. Marami ang nawawalan na ng pag-asa at, ‘ika nga nila, “ipinasasa-Diyos ko na lamang.”
Kaya napagdesisyunan ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang na makipagtulungan sa iba’t-ibang mga ahensya gaya ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc., Memphis Outreach Program, Pangasinan Medical Society, Bayambang District Hospital, at Rotary Club of Bayambang, at kanilang matagumpay na binuksan ang isa na namang Dental, Medical, and Surgical Mission noong Setyembre 30 sa Balon Bayambang Events Center.
Nanguna sa pag-oorganisa sa misyon si Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo, katulong ang iba’t-ibang departamento ng LGU at national agencies.
Lubos naman na nagpasalamat ang ama ng bayan na si Dr. Cezar T. Quiambao sa lahat ng mga sumuporta upang mailunsad ang programa.
Naroon din ang founder at president ng Memphis Outreach galing Amerika na si Dr. Eduardo C. Cabigao na nagpahayag ng kanyang lubos na kagalakan dahil kanilang mapaglilingkuran ang mga Bayambangueñong nangangailangan.
Ang medical mission na may general check-up, dental, surgical, at beauty care services ay naka-iskedyul ng limang araw, kaya inaasahang magtatagal hanggang sa ika-apat ng Oktubre.
Ayon kay Gng. Anita Penuliar, isang senior citizen, dapat ay ooperahan na ang kanyang katarata ngunit dahil sa rekomendadong salamin na gamit ang makabagong pamamaraang tinatawag na nanotechnology (IonSpec), hindi na niya kinailangan pang magpa-opera.
Wika naman ni June Basco, 60 taong gulang, ng Telbang, “Malaking tulong ito (medical mission) sa mga walang pera, at malaking bagay sa amin ang mga libreng gamot at pakonsulta.”
Sang-ayon dito si Sarah Jane Lomboy, 16, ng Tamaro, na lubos ang pasasalamat sa libreng dental service na natanggap.
(Para sa mga katanungan ukol sa IonSpec medical eyewear using nanotechnology, mangyaring itext si Abby Junio sa 09088859817 at 09777976408.)