Closing Program Buwan ng Wika

Katutubong Wika, Binigyang-Pugay sa Pagtatapos ng Buwan ng Wikang Pambansa 2019

“Ang pagbibigay-pugay sa wika ng isang bansa ay pagbibigay-pugay rin sa pagkakakilanlan, kultura, at pinanggalingan nito.”

Ang mga katagang ito ay binigyang-diin sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2019 na may temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.”

Ang programang inorganisa ni Municipal Supervising Tourism Officer Rafael L. Saygo noong Agosto 29 sa Balon Bayambang Events Center ay dinaluhan ng Punong Bayan ng Bayambang na si Dr. Cezar T. Quiambao at mga Konsehal ng Bayan na sina Hon. Martin Terrado II, Hon. Levinson Nessus Uy, at Hon. Gabriel Tristan Fernandez bilang pagpapakita ng suporta sa adhikain ng programa.

Sa kanyang inspirasyonal na mensahe, ibinahagi ni Mayor Quiambao: “Naniniwala ako na ang bawat naririto ay maituturing na mga bayani. Mga bayaning patuloy na nagpapayabong sa ating sariling wika at mga bayaning tunay na nakikiisa at nakikipaglaban sa ating Rebolusyon Laban sa Kahirapaan.”

“Ipagpatuloy natin ang pagiging mga bayani sa pagpapayabong ng ating wika, ipagpatuloy natin ang gawain at gawing inspirasyon ang ating mga bayani. Maki-isa, makipagtulungan, at gawin ang kanya-kanyang gampanin sa ating Rebolusyon,” wika niya.

Iginawad sa programa ang mga sertipiko at medalya sa mga estudyanteng nagwagi mula sa iba’t ibang paaralan sa Bayambang na lumahok kamakailan sa paligsahan sa Parada ng mga Katutubong Kasuotan, Interpretatibong Pagbasa, Paggawa ng Poster at Islogan, Salin Sayaw, Spoken Word Poetry, Paligsawit, Tekno-Sining, Anlongan sa Wikang Pangasinan at Ilocano, Pautakan, at Pagsulat ng Sanaysay. Ibinigay rin sa mga nagwaging paaralan ang kauna-unahang Gawad Quiambao sa Madulang Sabayang Pagbigkas.

Hindi nagpahuli ang mga kaguruan dahil sila rin ay nagkaroon ng tagisan sa Anlongan sa Wikang Pangasinan.

Naroon ang Punongguro IV ng Bayambang National High School-Junior High School na si Gng. Alice M. Galsim, Punongguro II ng Bayambang National High School-Senior High School na si Dr. Alfredo C. Galano, Jr., at ang Ehekutibong Direktor ng PSU-Bayambang na si Dr. Roy C. Ferrer, na siyang nagpahayag ng kanilang mga mensahe sa matagumpay na pagsasagawa ng selebrasyon.

 

Arrow
Arrow
Slider