S&T Caravan: Tulong sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan
Malaking papel ang ginagampanan ng agham at teknolohiya sa progreso at pag-unlad ng isang bayan, kaya’t isang karangalan para sa Bayambang ang mapaunlakan ng Department of Science and Technology sa pagdaos ng apat na araw na Science and Technology Caravan sa Balon Bayambang Events Center mula ika-13 hanggang ika-16 ng Agosto 2019.
“Ang agham at teknolohiya ang kailangan upang gumaan, bumuti ang ating pamumuhay,” ang sabi ni Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista sa kanyang panimulang mensahe sa Opening Program na ginanap noong ika-13 ng Agosto. Sinang-ayunan naman ito ni Vice Mayor Raul R. Sabangan na siyang nagpaalala na nalabanan ng administrasyong Quiambao-Sabangan ang kriminalidad sa tulong ng teknolohiya. Ang mga CCTV camera, ayon kay Vice Mayor Sabangan, ay napakalaking tulong sa kapulisan sa pagresolba ng mga kaso dahil ang mga ito ay inilagay sa mga istratehikong lokasyon sa buong bayan.
Pinangunahan ni Mayor Cezar T. Quiambao ang Ribbon-cutting Ceremony kasama sina Vice Mayor Sabangan, mga myembro ng Sangguniang Bayan, Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista, Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Fernandez, mga opisyal at representante mula sa DOST, Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. Managing Director Romyl Junio, Hermano at Hermana Mayor Dr. Nicholas Miguel at Dr. Myrna Miguel, mga guro at estudyante, myembro ng mga sektor ng lipunan, at mga namamahala sa iba’t ibang booth na inihanda sa Events Center na pormal na ring binuksan matapos ang seremonya.
Paalala ni Mayor Quiambao, “Take advantage of this opportunity kasi pambihira po na magkaroon ng Science and Technology Caravan sa isang bayan.” Dagdag pa niya, maraming mga ideya ang makukuha sa caravan na ito na maaaring magamit sa pagnenegosyo. Pinangako ni Mayor Quiambao na tutulungan niya ang sinumang magkakaroon ng magandang ideya sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagpapahiram ng puhanan.
Si SB Majority Floor Leader Benjamin Francisco de Vera ang nanguna sa pagpasa ng resolusyon ukol sa pagbuo ng Municipal Science and Technology Coordinating Council sa bayan ng Bayambang. Samantala, si Bayambang Poverty Reduction Action Team Head Dr. Joel T. Cayabyab naman ang nanguna sa Pledge of Commitment na siyang sinumpaan ng mga partisipante upang masiguro ang patuloy na pagtangkilik ng mga Bayambangueño sa agham at teknolohiya.
Ayon kay DOST Pangasinan Provincial Director Felicidad M. Gan, isa sa mga dahilan ng pag-ganap ng S&T Caravan ay ang pagpapatibay ng samahan ng LGU Bayambang at DOST.
Ang apat na araw na caravan na ito ay mayroong mga interactive science and technology exhibit at mga libreng livelihood training at technology talk/presentation. Mayroon ding inihandang mobile planetarium at robotics workshop na nagbigay kaalaman at kasiyahan sa mga dadalo.
Lahat ng inihandang ito sa inisyatibo ng LGU Bayambang at ng DOST ay libre sa publiko at lahat ng interesado sa agham at teknolohiya ay imbitado.