Kabataan Nagpakitang-Gilas sa Spoken Word Poetry at Short Film-Making
Walong paaralan ang nagtagisan ng galing sa Short Film-Making at Spoken Word Poetry Competition na inorganisa ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) noong ika-20 ng Agosto 2019 sa Balon Bayambang Events Center bilang parte ng ikatlong anibersaryo ng deklarasyon ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Kabilang sa mga paaralang nakilahok ay ang Hermoza National High School, Tococ National High School, Saint Vincent Catholic School, Bayambang National High School, Moises Rebamontan National High School, Beleng National High School, Pangasinan State University-Integrated School, at Tanolong National High School.
“This spoken word poetry and short film-making competition is done to inspire the townspeople in our war against poverty,” wika ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista Jr. sa pag-uumpisa ng programa. “We must convince the people that we have a chance to win this war.”
Naroon din ang Executive Director ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. na si Mr. Romyl Junio na nagpaalala sa mga kabataan na huwag matakot mangarap at gawin ang lahat upang makamit ito.
“Hindi niyo man kami matulungan financially, nariyan naman kayo para suportahan kami thru art,” pahayag naman ni SK Federation President Gabriel Tristan P. Fernandez.
Tumayo bilang mga hurado sa Spoken Word Poetry Contest sina Mr. Adrian Clark Perez, Ms. Princess Arjhel Alberto, at Mr. Dickson Johan Jay Llema. Ang kalahok na nakasungkit ng unang gantimpala at tumanggap ng P5,000 ay si Khalid Tarawi ng Bayambang National High School. Natanggap naman ni Danzel Riege Perez ng Bayambang National High School ang ikalawang gantimpala at P4,000. Si Jimmy Valdez Jr. naman ng Tococ National High School ang nakapag-uwi ng ikatlong gantimpala at P3,000.
Sa pinagsama-sama naman na puntos ng mga hurado na sina Ms. Nida Van Doorn, Ms. Farrah Hamada, at Mr. Rene Boy Abiva, itinanghal na kampeon sa Short-Film Making Contest ang pelikulang pinamagatang “Docu Pulis” na binuo ng mga mag-aaral ng Saint Vincent Ferrer Catholic High School. Sila ay nakatanggap ng P10,000, tropeo, at sertipiko. Nasungkit naman ng mga mag-aaral ng Bayambang National High School ang dalawang premyo: para sa 1st runner-up entry na may pamagat na “Pitik Bulag” at nakatanggap ng P6,000 cash prize, tropeo, at sertipiko, at 2nd runner-up entry na pinamagatang “Sakey Kutdang” na nakatanggap ng P4,000, tropeo at sertipiko.
Sa bandang huli ay nagbigay ng mensahe ng pasasalamat sa mga dumalo at tumulong sa pag-organisa ng programa si BPRAT Chairman, Dr. Joel T. Cayabyab. “Sana patuloy pa rin ninyong suportahan ang mga proyektong nabibigay-daan sa pag-ahon sa kahirapan,” wika niya.
Sa panapos na mensahe naman ni BMCCA Executive Director, Prof. Januario Cuchapin, sinabi niyang, “Nakita ni Mayor CTQ na nasa laylayan ng lipunan ang maraming mamamayan ng Bayambang, kaya bumuo ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) at maging kalasag ito sa isinusulong na Rebolusyon Laban sa Kahirapan. Ang relasyon ng kabataan sa programa ay maipamahagi ang mga talentong tinataglay.
“Alam naman natin na sa isang kompetisyon, mayroong nanalo at natatalo, subalit ganunpaman, ipagpatuloy pa rin ang talentong meron kayo dahil naniniwala ang Pamahalaang Lokal ng Bayambang na kayo ang susi upang matapagtagumpayan ang adhikain.”