KOMPREHENSIBONG SERBISYO SA BAYAN YEAR 3: Amancosiling Sur, Kayo Naman; KKSBFI, Inanunsiyo ang Kanilang Libreng Welding Course at Planong Candle Mini-Factory
Muling naghatid ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan ang LGU Bayambang. Sa pagkakataong ito, ang mga serbisyo ng Munisipyo ay dinala sa Amancosiling Elementary School, Brgy. Amancosiling Sur, noong Agosto 16, 2019.
Bilang pagpapakita ng taos-pusong suporta mula sa buong pamunuan ay naroon sina Municipal Councilor Amory M. Junio, Councilor Mylvin T. Junio, at Councilor Martin E. Terrado II.
“Samantalahin na natin ang pagkakataon na ibinibigay ng munisipyo. Atin nang dinadala ito sa mga barangay upang hindi niyo na kailangang pumunta pa sa bayan upang magpagamot,” ani ni Municipal Administrator, Atty. Raymundo B. Bautista Jr.
Sa pangunguna nina Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo at RHU 2 Head Dr. Adrienne Estrada ay tinatayang nasa 885 katao ang matagumpay na nahatiran ng mga libreng serbisyong medikal, dental, at panlipunan, na nagmula sa mga barangay ng Amancosiling Norte, Amancosiling Sur, Buayaen, San Gabriel 1st, Wawa, at Pugo.
Nagpasalamat si Amancosiling Sur Barangay Captain Alexander J. Favi at ang Punong-Guro ng Amancosiling Elementary School na si Mrs. Joysie E. dela Cruz dahil sila ay nagkaroon ng pagkakataong mabisita at direktang makatanggap ng iba’t ibang serbisyo galing sa LGU Bayambang.
Nagbigay rin ng impormasyon tungkol sa Real Property Tax o RPT si Municipal Treasurer Luisita B. Danan. Kaniyang binigyang linaw sa mga mamamayan kung ano nga ba ang kahalagahan ng pagbabayad ng RPT at kung sinu-sino ang mga dapat magbayad nito.
Nagpaalala rin ang Executive Director ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. na si Mr. Romyl Junio na sila ay nagbibigay ng libreng pag-aaral ng Shielded Metal Arc Welding o SMAW, at ang plano nilang pagpapatayo ng mini-factory ng kandila para sa mga mamamayang nangangailangan ng trabaho.