Komprehensibo sa Brgy. Ligue

Komprehensibong Serbisyo ng Munisipyo, Dinala sa Ligue; Mga Bagong Plano, Inilatag

Eleksiyon man o hindi ay tuluy-tuloy ang pagdaloy ng Komprehensibong Serbisyo sa mga barangay ng Bayambang upang tuluy-tuloy din ang pagbabago.

Ginanap ang kauna-unahang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 3 para sa ikalawang termino ng Quaimbao-Sabangan administration sa Brgy. Ligue noong Hulyo 13 sa Ligue Barangay Plaza.

Kabilang ang mga residente ng karatig-barangay ng Ligue na Brgy. Asin at Bani sa mga 488 na iniulat na benepisyaryo.

Ang mga nasabing barangay ay tumanggap ng iba’t ibang libreng serbisyo gaya ng medical at dental services, adult at pedia consultation, at pati na rin ang tinatawag na “One-Stop Shop” na kung saan maaaring magbayad ang mga mamamayan ng kanilang RPT (Real Property Tax). Maaari ring kumuha ng Police Clearance, at magpagawa ng Solo Parent Identification Card na renewable pagkatapos ng tatlong taon.

Sa panimula ng programa, nagbigay ng pagpupugay at pasasalamat si Ligue Punong Barangay Luis Castro sa lahat ng opisyal at departamento ng gobyernong lokal. “Tatlong taon na ang nakararaan mula nung unang mapagsilbihan ang ating mga kababayan na hindi sa lahat nang oras ay may panahon na makapunta sa munisipyo upang sumangguni at lumapit sa kinauukulan. Ang programang ito ng ating mahal na punong-bayan ay upang mailapit po sa atin ang munisipyo upang ang ating mga kawani [sa Munisipyo] ay mapagsilbihan ang bawat indibidwal na nangangailangan ng serbisyo.”

Nagbigay naman ng espesyal na mensahe si Councilor Amory Junio, na siyang bagong District Councilor ng lugar. “Kung ano ang aming nasimulan, ito ay gagawin pa rin namin hanggang nandito ang TQS. Kami ay nagpapasalamat sa suporta. Tayo ay magkaisa upang sabay-sabay nating malabanan ang kahirapan.”

“Mapalad tayo dahil ang Brgy. Bani, Brgy. Ligue, at Brgy. Asin ay isa sa mga tinatawag na growth area ng TQS. Dito papalo sa distrito natin ang economic development at magsisimula ang development for modernization,” aniya.

Inilatag naman ni Municipal Administrator Atty. Raymundo Baustista Jr. ang mga bagong plano ng administrasyon gaya ng Aquaculture Park sa Brgy. Langiran na may pondong P250,000,000, ang Julius Caesar Quiambao Memorial Hospital na bukas para magbigay ng pampubliko at pambribadong serbisyong medikal para sa lahat, at ang planong pagpapatayo ng SM Mall. Nabanggit din ni Atty. Bautista na sa buong kasaysayan ng Bayambang ay ngayon lamang maibabahagi ang 20% development fund sa mga barangay sa pamamagitan ng mga construction projects.

Nilinaw nina Municipal Assessor Annie de Leon at Pelagia Papio, officer ng Municipal Treasurer’s Office, sa mga mamamayan kung ano nga ba ang Real Property Tax, kung para saan, kung ano ang kahalagahan, at kung sino ang mga dapat magbayad, pati na rin kung ano ang Tax Declaration, ang basehan kung magkano ang dapat babayaran buwan-buwan ng mga mamamayan.

“Sa bawat Komprehensibo, mayroong maliit na regalo sa atin ang Mayor.
Kasama roon ang vitamins natin ng isang buwan. Lahat ng serbisyong [medikal-dental na] narito ay libre,” wika ni RHU I Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo sa pagtatapos ng programa.

Arrow
Arrow
Slider