Honesty Store, Binuksan Din sa Munisipyo
Hindi lang sa mga paaralan, kundi maging sa Munisipyo ay nagtatag na rin ng isang Honesty Store ang Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) noong Hulyo 22.
Layunin ng social experiment ng BPRAT na mahubog hindi lamang ang mga kabataan, kundi pati na ang lahat ng Bayambangueño, ano man ang edad, na maging matapat, simula sa mga maliliit na bagay.
Inaasahang kapag ang katapatan ay naikintal sa puso ng lahat ay magsisilbi itong natural na parte na ng ugali at pamumuhay ng mga mamamayan. Lalo itong magiging kapaki-pakinabang pagdating sa malalaking bagay, gaya ng tapat na pagseserbisyo at malinis na pakikipag-transaksyon sa loob at labas ng Munisipyo.
Dahil walang nagbabantay sa Honesty Store, kailangang eksakto ang bayad sa anumang item na bibilhin, at isisilid ang bayad sa isang siwang kung saan ito ay mahuhulog sa naka-lock na kahon sa cabinet. Karamihan sa tinda ay mga mumurahing chichiria at mga pang-araw-araw na gamit pang-personal.
Ayon kay Valentine Garcia ng BPRAT, ang malilikom na kita ay gagamitin para sa regular feeding program ng Stimulation and Therapeutic Activity Center.