Basic Bookkeeping Seminar, inorganisa para sa mga myembro ng kooperatiba
Naniniwala ang administrasyong Quiambao-Sabangan sa kahalagahan ng mga kooperatiba sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan, kaya naman patuloy na isinusulong ang pagbuo at pagpapatibay ng mga asosasyon sa bayan ng Bayambang. Upang bigyang kaalaman ang mga myembro ng iba’t ibang asosasyon at kooperatiba ay inorganisa ang isang Basic Bookkeeping Seminar noong ika-18 at 19 ng Hulyo sa Royal Mall sa pagtutulungan ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT), Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. (KKSBFI).
“Ito po ay inilaan upang ang lahat, ang bawat isa na humahawak ng kooperatiba, ay mabigyan ng sapat na kaalaman para naman sa ganoon ay tayo ay umasenso,” sambit ni KKSBFI Executive Director Romyl Junio sa kanyang pambungad na mensahe. Ginawa niyang ehemplo ang tagumpay ng Pampanga’s Best na isang kilalang produkto sa buong bansa, at kanyang sinabi na kaya ring abutin ng mga Bayambangueño ang ganoong tagumpay dahil bukod sa kanilang pagtutulungan ay naroon rin ang suporta ng administrasyong Quiambao-Sabangan at ng KKSBFI.
Ayon naman kay Vice Mayor Raul R. Sabangan, “Kailangan na lamang ay maging perpekto ang pagpapatakbo natin ng ating kanya-kanyang mga kooperatiba, ng ating kanya-kanyang mga negosyo, upang sa ganoon ay sigurado na kumita tayo para sa ating pamilya.” Dagdag pa niya ay magandang oportunidad ang seminar na ito para sa mga benepisyaryo.
Naroon ang mga tagapagsalita mula sa Cooperative Development Authority na sina Ms. Fiona Bianca R. Cuenca, Ms. Jeanette M. Nevado, at Ms. Sheryl Lou M. Fabia. Isa-isa nilang tinalakay ang mga paksa katulad ng introduction to accounting, basic accounting equation, procedural approach to bookkeeping, accounting information system, accounting cycle, preparation of financial statement, at introduction to cooperatives upang malaman ng mga benepisyaryo ang mga kinakailangan sa pag-angat ng kani-kanilang mga negosyo at kooperatiba.
Bilang pantapos na mensahe, sinabi ni BPRAT Head Dr. Joel T. Cayabyab na ang seminar na ito na ang simula ng kanilang pagiging mga sundalo sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan.