41st National Disability Prevention and Rehabilitation Week | Komprehensibong Serbisyo para sa mga PWDs


Ipinagdiwang ng LGU sa pangunguna ni Municipal Social Welfare and Development Officer Lerma Padagas ang 41st National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa pamamagitan ng pagbibigay ng komprehensibong serbisyo sa mga PWDs noong Hulyo 17, 2019 sa Balon Bayambang Events Center.

Sa temang “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagtupad ng Karapatan ng mga Taong May Kapansanan,” nagkaroon ng libreng skills livelihood training at iba pang serbisyo gaya ng medical check-up, haircut, massage, Community Service Card data capture, at PWD ID application.

Paalala ni Vice-Mayor Raul R. Sabangan, “Isa sa mga rason kung bakit mayroon tayong programa ay para alam ninyo kung ano ang karapatan ng ating mga miyembro ng pamilya na may espesyal na katangian. Ang karapatang pantao ay para sa lahat.”

Naroon din si Councilor Martin Terrado II, na pinaalahanan ang mga dumalo na isang biyaya mula sa LGU ang naturang selebrasyon.

Mensahe naman ni Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) head, Dr. Joel T. Cayabyab: “Ang PWD (persons with disabilities) sector ay napakahalagang kabalikat tungo sa pagpapaunlad ng Bayambang. Napakahalaga po ng inyong mga suhestyon at plano upang mas lalong mapabuti ang kalagayan ng sektor ng PWDs.”

Ipinakilala naman ni Mr. Carlito Suyat, ang presidente ng Bayambang PWD Association ang panauhing pandangal ng programa na si Mrs. Judith Valenzuela. Sila ang tumalakay sa kung ano ang programang mayroon ang PWD Office ng probinsya at ng bayan ng Bayambang at ang iba’t-ibang mga batas para sa mga taong kabilang sa sektor, at kung sinu-sino ang mga taong kabilang dito.

Nakatanggap ang 25 na benepisyaryo ng assistive devices, kabilang ang 8 adult wheelchairs, 3 pediatric wheelchairs, at 3 adult walkers. Nagkaroon din ng pa-raffle para sa mga PWDs sa tulong ng mga sponsors ng programa na sina Yvonne B. Gloria, Herbal Life, Bayambang Association of Bodybuilding Enthusiasts, physical therapy clinics, Rotary Club of Bayambang, at LGBTQI Association of Bayambang. Naroon din ang RHU I, Local Civil Registrar, POSO, GSO, at MDRRMO na siyang nagpamahagi ng 10 “Go Bags” o emergency kits.

Nag-organisa naman ang BPRAT ng isang training sa salted egg-making sa may Aguinaldo Room.

Arrow
Arrow
Slider