Mga Serbisyo at Transaksyon ng Munisipyo, Nagbalik sa Bongato East

Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) ay dinala sa Bongato East sa ikalawang pagkakataon.

Ang KSB team ay nagtungo sa Bongato East Elementary School noong Hunyo 26 kasama ang lahat ng departamento ng gobyernong lokal pati na ang mga national agencies na nakabase sa bayan. Ang mga residente ng magkaratig-barangay ng Bongato East at Bongato West sa District 2 ang kabilang sa mga tumanggap ng handog na serbisyo ng LGU Bayambang, tulad ng medical at dental services, police clearance application, online appointment para sa Tech4Ed services ng Municipal Library, animal vaccination, at iba pa. Naroon sina Councilor Martin E. Terrado II, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Consultant on Good Governance Dr. Nicolas Miguel, Municipal Health Board officer Dr. Henry Fernandez, at ang organizer ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan na si Municipal Health Officer Dr. Paz F. Vallo, kasama ang iba pang department head, at mga miyembro ng Rotary Club of Bayambang.

Sa pambukas na programa, binati ni Bongato East Punong Barangay Rolando G. Manlongat ang nagsidalo, sabay pasalamat kay Mayor CTQ dahil sa pagpapagawa ng covered court sa kanilang plaza. Nagbigay-pugay din si Bongato East Elementary School Principal Glenda Peralta. Aniya, “Ikalawang taon na na dito ginaganap ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, kaya ito ay isang napakalaking karangalan, at malugod namin kayong tinatanggap sa aming paaralan dahil marami kayong nabibigyan ng benepisyo sa mga mamamayan.”

Bagama’t di nakadalo si Mayor Cezar T. Quiambao, naroon naman si Municipal Administrator, Atty. Bautista, upang ipaabot ang mensahe ng pagmamahal sa barangay ni Mayor CTQ dahil ito aniya ang kanyang sinumpaan. Binahagi rin ni Atty. Bautista ang kuwento ng pagbisita ng mga taga-Papua New Guinea upang obserbahan kung anong klase ng pamamahala ang mayroon sa Bayambang. Subalit di niya aniya inasahan na sila ay mamangha sa kanilang nasaksihan. Patunay ito aniya na unti-unti nang umaangat ang Bayambang.

“Ang obligasyon naman nating mamamayan sa pamahalaan ay hindi lamang ang bumoto, kundi ang magkaisa tungo sa maunlad na pamayanan,” paalala ng Administrador.

Sa ikatlong pagkakataon, sinamantala ng LGU na iwasto ang mga kumakalat na maling impormasyon ukol sa pagbabayad ng buwis. Naroon ang Assessor’s Office upang bigyang-linaw ang tungkol sa real property tax, assessed value ng isang property, atbp.

Ayon sa isang residente na si Evelyn M. Perez, 47 anyos, “Maganda ang ginagawa ni Mayor na bigyang pansin ang pangangailangan ng bawat mamamayan sa bara-barangay.” Ani Lourdes M. Poquiz, isa ring residente, malaking tulong sa mga tao na may sakit na hindi makapunta ng ospital at walang financial [capability] ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan. “Tumutulong itong pagaanin ang aming mga pasanin,” aniya.

Mayroong 626 na benepisyaryo ang naitalang dumating ng Human Resources Management Office sa araw na iyon.

 

Arrow
Arrow
Slider