Sa kauna-unahang pagkakataon sa bayan ng Bayambang ay ginanap ang ‘Bayambang-athlon,’ isang paligsahan na inorganisa ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, Municipal Nutrition Office, at Municipal Social Welfare and Development Office kasama ng iba pang mga opisina ng lokal na pamahalaan noong Hulyo 5 upang sabay-sabay na ipagdiwang ang National Nutrition Month, National Disaster Resilience Month, at National Disability Prevention and Rehabilitation Week.
Ang mga tema at “Kahandaan sa Sakuna’t Peligro para sa Tunay na Pagbabago” (para sa National Disaster Resilience Month), “Kumain nang Wasto at Maging Aktibo… Push Natin ’To!” (para sa National Nutrition Month), at “Lokal na Pamahalaan: Kabalikat sa Pagtupad sa Karapatan ng mga Taong May Kapansanan” (para sa National Disability Prevention and Rehabilitation Week).
Halos anim na raang mga Bayambangueño ang nakisali sa karerang ito na nilalayong ipakita ang kahalagahan ng pakakaroon ng mabuting kalusugan at kahandaan sa anumang dumating na sakuna. Hindi naman nagpahuli ang mga PWD dahil handang-handa rin silang nakisali sa paligsahang ito na nagbigay kasiyahan at kaalaman sa mga Bayambangueño.
Mula sa harapan ng munisipyo ay tumakbo ang mga kalahok patungo sa Public Cemetery kung saan sila ay sinalubong ng isang horror booth, na siyang naging kanilang unang pagsubok. Pagkatapos noon, sila ay nagtungo sa Pangasinan State University kung saan matatagpuan ang natitirang mga obstacle na sumubok sa kanilang galing, lakas at talino.
Unang natapos si Joly Juan at siya ay nakatanggap ng P5,000. Sinundan siya nina Erickson Alabasco at Florenz Ingoy na tumanggap ng P3,000 at P1,000. Bukod sa cash prizes ng mga nanalo, marami pang natanggap na premyo ang mga kalahok sa raffle draw. Ang mga papremyo ay nagmula sa mga sponsor na Yakult, Nestle Philippines, Herbalife, Basteakoy Bayambang, at Jelexie.
Bilang panapos sa programa sa Municipal Auditorium, sinabi ni Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr. na “One of the priorities of the Rebolusyon Laban sa Kahirapan ay i-promote ang kalusugan, i-promote ang magandang pangangatawan, at of course, yung ating isinusulong na lahat ng sektor ng lipunan ay mai-angat mula sa kahirapan.” Dagdag pa niya, “Dapat by year 2028, wala na pong mahirap dito sa bayan ng Bayambang dahil kakayanin natin anumang pagsubok na dumaan sa ating buhay gaya ng pagkaya natin sa mga pagsubok na dinaanan natin.” Hindi magiging posible ang lahat ng ito kung wala ang tulong at suporta ni Mayor Cezar T. Quiambao, Vice Mayor Raul R. Sabangan, mga myembro ng Sangguniang Bayan, mga head at staff ng iba’t ibang departamento ng LGU, lalo na ang Bayambang Poverty Reduction Action Team, Rural Health Unit 1 at 2, Public Order and Safety Office, Information and Communications Technology Office, Public Information Office, Municipal Engineering Office, General Services Office, at Philippine National Police, at ng Sangguniang Kabataan Federation, Liga ng mga Barangay, Bayambang Association of Bodybuilding Enthusiasts, Nutritionist-Dietician Association of the Philippines – Pangasinan Chapter, Persons with Disabilities Association of Bayambang, at Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc.
Ang pag-organisa ng kauna-unahang “Bayambang-athlon” ay pinangunahan ni MDRRM Officer Genevieve Benebe, Municipal Nutrition Action Officer Venus Bueno, at MSWD Officer Lerma Padagas.