Ang bahay-kubo, kahit munti, mayroon namang tanim na talong at sitaw, pechay, sili, at iba pa, katulad ng sabi sa kanta.
Tag-ulan na, kaya’t puspusan na rin ang pagtatanim ng mga naturang butong gulay at vegetable seedlings sa iba’t-ibang barangay. Sa pagkakataong ito, hindi lang sa backyard garden ng mga kabahayan itatanim ang mga ito, kundi sa isang communal garden o community garden na kung saan buong komunidad na ang mag-aasikaso sa mga pananim na gulay.
“Strategic ang pag-timing namin dito — alam mo na, tag-ulan na, kaya libre na ang pandilig,” ani Johnson Abalos ng Bayambang Poverty Reduction Action Team, ang pasimuno ng proyekto kasama ang Municipal Agriculture Office.
Nag-umpisa ang ‘expansion’ ng mga garden sa Brgy. Ambayat, at noong Hunyo 11 ay nasa Tampog at Wawa na.
Kabilang sa mga kasapi sa proyektong ito ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD sa lugar at ang Barangay Council, kabilang na ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan.
Inaasahang dahil mayroong itinanim, mayroon ding aanihin — hindi lang ang ilang kabahayan, kundi ang buong barangay — sa tamang panahon.