Mayor CTQ, Vice-Mayor Sabangan, Nanguna sa Pagdiriwang ng ika-121 Araw ng Kalayaan

Mayor CTQ, Vice-Mayor Sabangan, Nanguna sa Pagdiriwang ng ika-121 Araw ng Kalayaan

Ginunita ng bayan ng Bayambang ang ika-121 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa bantayog ni Heneral Emilio Aguinaldo sa harapan ng Munisipyo sa umaga ng ika-12 ng Hunyo. Nanguna sa selebrasyon sina Mayor Cezar T. Quiambao, Vice Mayor Raul Sabangan, Councilor Mylvin Junio, Councilor Philip Dumalanta, Councilor Martin Terrado II, Councilor Amory Junio, Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista, Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan Fernandez, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Municipal Local Government Operations Officer Dinah Pinlac, mga LGU department heads, Bayambang Municipal Council for Culture and Arts Executive Director Januario Cuchapin, mga Punong Barangay, at mga punong-guro, guro, at mag-aaral ng iba’t-ibang eskwelahan.

Sa munting programang inorganisa ni Senior Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo, nanguna ang kapulisan sa pamumuno ni OIC Chief PLtCol. Marceliano Desamito Jr. sa wreath-laying ceremony bilang tanda ng pagpugay sa mga bayaning tulad ni Hen. Emilio Aguinaldo na nagbuwis-buhay makamtan lamang ang kalayaan at kasarinlang tinatamasa ng lahat ng Pilipino sa ngayon.

Sa kanyang inpirasyunal na mensahe, binigyang-diin ni Mayor Quiambao ang nauna na niyang nabanggit noong mga nakaraang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. “Paulit-ulit ko na sinasabi na tayo ay nakalaya na sa mga dayuhan, ngunit hindi pa tayo lubusang malaya sa kahirapan, kaya nagdeklara ako ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan. … Sana sa taong 2028, tayo ay magtagumpay sa pagtawid sa kahirapan upang maramdaman ang diwa ng pagiging malaya.”

“Gamitin natin ang pagiging malaya para magkaisa at magtulungan tungo sa maunlad na bayan,” pagwawakas niya.

Mensahe naman ni Vice-Mayor Sabangan: “Sa araw na ito, tayo ay nakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Ating titingalain ang bandera ng Pilipinas bilang simbolo ng ating kasarinlan, simbolo na tayo ay malayang Republika ng Pilipinas, at ating sasariwain din ang buhay ng ating mga bayani na naging daan sa paglaya ng ating bayan.”

“Magmula noong tayo’y naging malaya, maraming pagbabago ang naganap sa ating lipunan sa iba’t-ibang aspeto ng buhay — tulad ng imprastraktura, teknolohiya, at iba pa — ngunit nakaagapay ang gobyernong lokal upang ang ating paglaya ay lubos na makamtan, dahil ang karapatang pang-mamamayan ay ating isusulong sa pamamagitan ng paglaban sa kahirapan at pagpapaunlad ng mga sinaunang kultura ng ating bayan upang maipamahagi sa susunod na henerasyon,” wika niya.

Nagtapos ang simpleng seremonya sa official turnover ng initial output ng mga kalahok sa Bayambang Culture Mapping Project sa pangunguna ni Bayambang National High School Principal, Dr. Mary Ann J. Payomo, na kung saan pormal na tinanggap ni Mayor Quiambao at ng buong pamunuan ng LGU ang pinaghirapang imbentaryo at katalogo ng mga natatanging yamang kultura ng bayan mula sa mga 77 na barangay nito.

“Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa buong Pilipinas na mga estudyante ang mismong nangalap ng datos para sa cultural mapping. At nakakatuwa po ang positibong response na nakukuha natin mula sa National Commission on Culture and the Arts,” pahayag ni G. Saygo.

 

Arrow
Arrow
Slider