Komprehensibong Serbisyo sa Bayan-Year 3, Dinala sa Managos
Sa unang pagkakataon ay dinala ng Munisipyo ang mga serbisyo nito sa Barangay Managos. Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan team ay nagtungo sa Managos Elementary School noong Mayo 24 kasama ang lahat ng departamento ng gobyernong lokal pati na ang mga national agencies na nakabase sa bayan.
Kabilang ang mga karatig-barangay ng Ambayat 1st, Ambayat 2nd at Managos sa District 1 sa mga tumanggap ng libreng handog na serbisyo ng LGU Bayambang, tulad ng medical at dental services, COMELEC registration, police clearance application, online appointment para sa Tech4Ed services ng Municipal Library, animal vaccination, at iba pa.
Naroon sina Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan P. Fernandez, at ang organizer ng Komprehensibong Serbisyo na si Municipal Health Officer Dr. Paz F. Vallo, kasama ang iba pang department heads.
Sa pambukas na programa, binati ni Managos Punong Barangay Onofre P. Manuel Sr. ang mga bisita at malugod silang tinanggap at pinasalamatan.
Dahil napiling venue ang kanyang paaralan, nagbigay-pugay din si Managos Elementary School head teacher Lily Luz R. Corpuz. “Nagkataong Brigada Eskwela rin ngayon, kaya isa itong (Komprehensibong Serbisyo) malaking tulong upang maging ready ang kalusugan ng ating mga mag-aaral sa darating na pasukan.
Sinamantala ng LGU ang pagkakataon upang iwasto ang mga kumakalat na maling impormasyon sa distrito ukol sa pagbayad ng buwis. Naroon ang mismong Municipal Assessor na si Gng. Annie de Leon at Municipal Treasurer na si Gng. Luisita Danan upang bigyang linaw kung ano ang ibig sabihin ng “assessed value” ng isang property. “Hindi ito ang inyong babayarang buwis, kundi ito ang presyo ng inyong ari-arian sa merkado, at 2% lamang nito ang inyong nakatakdang babayarang buwis.”
Ang pagbayad ng annual real property tax o RPT (bahay at lupa) ay matagal nang isang pambansang batas, at tagapag-implementa lamang ang LGU Bayambang. Importanteng ang lahat ng may kakayahan ay magbayad ng buwis sapagkat dito kinikuha ng gobyerno ang pantustos sa mga gastusin nito, kabilang na ang paggawa ng mga imprastratura sa iba’t-ibang barangay.
Tungkol naman sa pagtaas ng buwis, tanging ang provincial government lamang ang may karapatang mag-apruba ng pagtaas o pagbaba ng buwis.
Nillinaw rin ng mga opisyal na pawang walang katotohanan ang kumalat na balitang pati alagang aso ay papatawan na rin ng buwis.
Ang Human Resources Management Office ay nagtala ng 651 benepisyaryo sa araw na ito.