“Dati ay pangarap lang namin ito, ngunit ngayon ay naisakatuparan na, dahil sa tulong ni Mayor CTQ.”
Ito ang malugod na wika ni Fernando S. Verseles, ang presidente ng Bani Delicious Ice Cream Sustainable Livelihood Program (SLP) Association, matapos nitong pormal na tanggapin ang maliit na gusaling magsisilbing pagawaan ng ice cream ng asosasyon sa Brgy. Bani.
Ang naturang ice cream mini-factory ay donasyon ng Kasama Kita sa Barangay Foundation (KKSBFI), at ito ay matatagpuan katabi ng talipapa ng barangay sa may Bayambang-Basista Rd.
Ang simpleng blessing ceremony na ito — na inorganisa ng Bayambang Poverty Reduction Action Team sa pamumuno ni Dr. Joel Cayabyab — ay dinaluhan nina Mayor Cezar T. Quiambao, Councilor Martin Terrado II, KKSBFI Managing Director Romyl Junio, Liga ng mga Barangay President at Bani Punong Barangay Rodelito Bautista kasama ang buong Konseho nito, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Municipal Social Welfare and Development Officer Lerma Padagas at kasamahang Municipal Links ng DSWD sa pangunguna ni Randy Cacayan, iba pang mga department head ng LGU, at mga miyembro ng naturang SLP Association.
Ang inimbitahang nagbasbas ay si Fr. Michael Sandalo, kura paroko ng Parish of Sto. Domingo Ybañez de Erquicia ng Brgy. Sapang.
Sa kanyang mensahe, nagpayo si Mayor Quiambao sa mga miyembro ng Bani Delicious Ice Cream na huwag makuntento sa natamo nilang tagumpay, bagkus ay taasan pa nila ang kanilang pangarap. “Aralin niyo ang marketing, ang research — kung paano makakagawa ng produktong makikilala kayo sa buong Pilipinas, at kung paano ang produkto ninyo ay maihahanay sa mga kilalang produkto sa shelf ng SM malls.”
Nagbigay naman ng munting dagdag-kaalaman si Atty. Bautista tungkol sa pag-handle ng pera kung nagnenegosyo, at inaliw niya ang mga nakikinig ng mga kuwento tungkol sa papel at marketability ng sorbetes sa kulturang Pilipino.
Bukod kay Managing Director Junio ng KKSBFI, kabilang sa pinasalamatan ni Verseles ay ang Engineering Office sa ilalim ni Engr. Eddie Melicorio para sa konstruksyon ng pasilidad at ang mga LGU at Municipal Link at project development officer ng DSWD na siyang tumulong magtatag sa grupo.
Noong Abril 20, 2018, ang Bani Delicious Ice Cream SLP Assoc. ay ginawaran ni Mayor Quiambao ng pabuyang P100,000 bilang pantapat sa kita nitong P100,000 mula sa seed capital na P10,000 na ibinigay ng DSWD sa grupo bilang parte ng programa ng ahensya na tinaguriang SLP.